Sunday, July 24, 2016

Bakit Mataas Ang Langit

7:44:00 AM 13 Comments
Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang buwan ni bituin. Bakit kaya tumaas ang langit? 

Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay-kubo. Si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda. Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay.

“Maria, magbayo ka ng palay,” ang wika ng ina.

“Opo,” ang sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos.

“Maria, magmadali ka,” ang tawag na muli ng matanda. “Wala tayong bigas na isasaing.”

“Opo, sandali po lamang,” ang tugon ni Maria, nguni’t hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig.

“Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Madali ka,” ang galit na galit na utos ng matanda.

Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay. Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Nalalaman niyang kapag galit na galit na ang kanyang nanay ay dapat siyang sumunod nang madali. Nagbayo na siya nang nagbayo ng palay. Pagkatapos ng ilang sandali, siya ay pinawisan.

“Napupuno ng pawis ang aking kuwintas,” ang wika ni Maria sa kanyang sarili.

Hinubad niya ang kuwintas. Inalis ang kanyang suklay. Isinabit ang mga ito sa langit na noon ay mababang-mababa at naabot ng kamay. Samantalang siya ay nagbabayo ay tinitingnan ang suklay at kuwintas.

“Kay ganda ng aking suklay at kuwintas,” ang wika ni Maria sa kanyang sarili. “Pagkatapos na pagkatapos ko nang pagbabayo ng palay ay isusuot ko uli ang aking suklay at kuwintas.”

Sa gayong pagsabi ay dinalas niya ang pagbabayo ng palay upang ito ay matapos at maisuot niya uli ang suklay at kuwintas. Tumaas ng tumaas ang pagbuhat niya ng halo at dumalas nang dumalas ang pagbagsak nito sa lusong. Umaabot na pala ang dulo ng halo sa langit, nguni’t hindi niya napapansin. Sa palay na ngayon ang kanyang tingin. Tinitingnan niya kung malapit na siyang makatapos upang maisuot niya ang suklay at kuwintas. Itinaas pa niyang lalo ang pagbuhat ng halo upang lumakas ang pagbagsak nito sa lusong at nang madaling mabayo ang palay.

Sa bawa’t pagtaas pala niya ng halo ay bumubunggo ang halo sa langit at sa bawa’t pagbunggo naman ay tumataas ang langit. Nang mapuna ni Maria ang nangyayari ay mataas na ang langit. Tangay-tangay ang kanyang gintong suklay at kuwintas. Hindi na niya maabot ang mga ito.

Tumaas nang tumaas ang langit. Tumaas din nang tumaas ang suklay at kuwintas. Noong gabing yaon ay umupo si Maria sa may bintana at tinintingnan niya ang langit na ngayon ay mataas na mataas na. Hinanap niya ang kanyang suklay at kuwintas. Naroroon ang kanyang gintong suklay at siyang naging buwan. Ang mga gintong butil ng kanyang kuwintas at nagkahiwa-hiwalay at siya namang naging mga bituin.

“Lalong maganda ngayon ang aking gintong suklay,” ang wika ni Maria sa kanyang sarali, “At anong kinang ng mga butil ng aking kuwintas!"

Tuesday, July 5, 2016

Si Paruparo At Si Langgam

10:13:00 PM 12 Comments
Takang-taka si Paruparo habang minamasdan niya si Langgam na pabalik-balik sa paghahakot ng pagkain sa kanyang lungga sa ilalim ng puno.

“Ano ba iyang ginagawa mo, kaibigang Langgam? Mukhang pagod na pagod ka ay di ka man lang magpahinga?” tanong ni Paruparo. “Bakit di ka magsaya na tulad ko?”

“Naku, mahirap na,” aniya. “Malapit na ang tag-ulan. Iba na ang may naipon na pagkain bago dumating ang tag-ulan.”

“Kalokohan iyan. Tingnan mo ako. Hindi natitigatig,” pagmamalaki ni Paruparo.

“Bakit nga ba?” Nagtataka si Langgam.

“Ganito iyon, e. Nakikita mo ba ang kaibigan ko sa damuhan?” inginuso niya ang nasa di kalayuan.

“Sino?’ tanong ni Langgam.

“Si Tipaklong, kaibigan ko iyan, Alam mo, matapang ang kaibigan ko. Nabibigyan niya ako  
ng proteksyon. Baka akala mo, dahil sa kanya walang sigwang darating sa akin,” pagyayabang ni Paruparo.

“A, ganoon ba?” sabi ni Langgam.

“Utak lang, O, di pakanta-kanta lang ako ngayon dito. Ikaw lang e,” sabi ni Paruparo.

“Wala akong inaasahan kundi ang aking sarili. Kaya kayod dito, kayod doon,” mababa subalit madiin ang tinig ni Langgam. “O, sige, ipagpapatuloy ko muna ang aking gawain.”

Pagkatapos ng usapang iyon nagkahiwalay ang dalawa.

Ang mga sumusunod na araw ay maulan. Hindi lamang mahabang tag-ulan. May kasama pang bagyo at baha. Mahirap lumabas at kung makalabas man wala ring matagpuang pagkain.

Lalong umapaw ang tubig. Walang madaanan ang tubig dahil malalim din ang mga ilog at dagat. Tumagal ang baha. Palubha nang palubha ang kalagayan dahil malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan.

Ano kaya ang nangyari kay Langgam? Naroon siya sa guwang ng puno. Namamahinga. Sagana siya sa pagkain. Naisipan ni Langgam ang dumungaw upang alamin ang kalagayan ng paligid. Aba, ano ba ang kanyang nakita?

Nakita niya si Paruparo at Tipaklong na nakalutang sa tubig. Patay ang dalawa. Mayamaya’y dalawang mabilis na ibon ang mabilis na dumagit sa kanila.

Napaurong sa takot si Langgam sa kanyang nakita. Subalit nasabi pa rin niya sa kanyang sarili: “Kung sino ang may tiyaga, siya ang magtatamong pala.”

ANG KWENTO NG TIKBALANG

2:46:00 AM 4 Comments
“Ate, totoo bang may tikbalang? Pananakot lamang iyon para magbait ang mga bata, hindi ba?” tanong ni Edith sa panganay na kapatid.

“E sabi ni Tiyo Jose mayroon nga raw. Kasama pa raw siya noong makahuli sila nito.”

“Sige nga, Ate, ikuwento mo sa amin ang nangyari,” pakiusap naman ng bunsong si Teresa.

“O, halikayo at makinig kayo.”

Mayroon raw sa baryo nina Tiyo Jose na isang napakagandang dalagang nagngangalang
Linda. Ang dami raw lumiligaw dito dahil bukod sa maganda na ay mabait pa.

Ngunit sa dinami-rami ng taga-baryong nangingibig sa kanya, walang nagpapatibok sa kanyang puso. Isang araw, may nakilala ang dalaga na binatang taga-Maynila, guwapo, matangkad, at mukhang kagalang-galang. Maraming mga dalagang nayon ang nahalina kay Roberto nguni’t ang napaglaanan nito ng pagtingin ay si Linda.

Ang pamimintuho ng binata ay sinuklian din ng pagmamahal ng dalaga kaya’t hindi nagtagal at sila’y ikinasal. Maligayang mga araw, ang nagdaan sa mag-asawang lubos ang pagmamahalan.

Ang naging supling ng kanilang pagmamahalan ay isang magandang batang babae na pinangalanang Ligaya. Nguni’t sa maaliwalas nilang langit ay dumating ang madilim na ulap. Nagkasakit si Linda at di-naglaon ay pumanaw. Naiwan ang mag-amang parang binagsakan ng sangmundong kapighatian.

Isang gabi nang binibigyan ni Roberto ang sanggol ng bote ng gatas, naramdaman niyang may dumating na tao sa kanyang likuran. Laking mangha niya nang makita sa pintuan ng silid ang asawa na kalilibing pa lamang nila noong nagdaang linggo. Hindi ito nagsasalita ngunit nakaunat ang mga kamay at waring hinihingi ang bata.

“Huwag, Linda, ikaw ay patay na. Hindi maaari!” Hinigpitan ni Roberto ang pagkapangko sa bata at umiiling.

Umalis ang babae, ngunit sa sunod na gabi ay naroon uli. Lalong mahigpit ang pagtanggi ni Roberto na iabot ang bata. Nguni’t hindi siya makatulog sa malaking takot at pagtataka. Nang nangyari uli sa ikatlong gabi, naisip niyang sumangguni sa mga matatandang taga-nayon.

“Hindi multo ni Linda iyon, Roberto. Tikbalang iyon na nag-aanyong tulad ng asawa mo. May mga tikbalang diyan sa ating parang. Doon sa mga puno ng lumbang sila natutulog pag-araw at sa gabi lumalabas.”

“Tunay po bang may tikbalang? Akala ko po’y mga istorya lang iyon,” takang-takang tanong ni Roberto.

“Totoong may tikbalang. Kilala mo ba si Karyong sintu-sinto? Kaya naging ganoon ang taong iyon ay dahil nakuha iyon ng tikbalang noong bata pa. Nawala nang dalawang araw at natagpuan ng ama sa ilalim ng puno ng lumbang.”

“Naku, ano po ang aking gagawin? Gabi-gabi po ay lalong humihigpit ang pamimilit niyang makuha ang bata,” halos maiyak-iyak si Roberto.

“Hayaan mo’t paghahandaan natin,” pangako ng matanda.

Nang gabing iyon, dumating sa dating oras ang tikbalang na mukhang si Linda. Nang dudukwangin na sana nito ang batang pangko ni Roberto, biglang naglabasan sa silid ang mga lalaki. Nagitla ang tikbalang at dagling tumalon sa bintana.

Ngunit sa ibaba ay nakahanda rin ang ilang taong bigla siyang nasunggaban sa buhok. Pinagtulung-tulungan nila itong iginapos sa puno ng niyog. Hinampas nang hinampas hanggang magsisigaw ito sa paghingi ng awa.

“Patawarin! Aalis na ako rito sa lugar ninyo, pakawalan lamang ninyo ako. Isasama ko lahat ng mga kampon ko. Lalayo na kami at di na kayo gagambalain. Maawa kayo.”

Sa kasisigaw nito at sa pangakong di na maninikbalang uli, naawa ang mga lalaking nayon at pinaalpasan na rin ang maligno.

Buhat nga noon, wala nang tikbalang pang nabalitaan sa baryo. Ang batang si Ligaya ay lumaki’t naging isang mabait at magandang babaeng tulad ng ina. Kahit nang mag-asawa siya ay di niya iniwan ang ama at inalagaan niya ito hanggang sa katandaan.

“Ang ganda ng kwento mo, pero nakakatakot, Ate,” sabi ni Edith. “Baka kami hindi makatulog.”

“Magdasal muna kayo bago mahiga,” paalala ng panganay, “kung hindi, sige, dadalawin kayo ng mga tikbalang!”

Sunday, July 3, 2016

ALAMAT NG LAMOK ni Severino Reyes

11:10:00 PM 0 Comments
Noong unang panahon sagana sa lahat ng bagay ang bayan ng Tungaw. Mataba ang lupang taniman dito. Masasaya ang mga tao. Ngunit marumi sila sa kanilang kapaligiran. Madalas na naglulusak sa dumi ang mga bakuran. Nagkalat ang mga balat ng prutas kahit saan. Nanlilimahid ang mga bata sa daan.

Isang araw, nahintakutan ang lahat sa biglang pagkawala ng ilang mga tao. 

Walang nakakaalam kung saan sila napupunta. Padalas nang padalas ang mga

nawawala kaya't lumapit ang taong bayan sa kanilang makisig na hari upang

humingi ng tulong.

"Magbantay tayo sa bawat sulok ng ating bayan," sabi ng hari.

Kahit ubuhin sila sa nakasusulasok na mga basura, araw at gabing nagbantay ang mga taong bayan at mga kawal. Hanggang sa makita nila ang paglitaw ng higanteng si Amok sa may paanan ng bundok. Kinuha nito ang isang magbubukid at agad na nilulon.

"Wala nang sasarap pa sa maruruming tao! Blurp," dighay ng higante.

"Wala tayong laban sa higante," panlulumo ng isang binatang nangungutib ang kamiseta.

"Mabuti sigurong umalis na lamang tayo sa Tungaw," mungkahi ng mga matatandang kutuhin.

Iwanan kaya nila ang kanilang maruming bayan?

"Hindi natin maaaring iwan ang ating bayan. Dapat natin itong ipagtanggol," mahigpit na sabi ng hari.

"Nasasarapan ang higanteng Amok sa ating karumihan. Kailangan nating maglinis upang iwanan tayo ng higante," utos ng hari.

Nagwalis ang kababaihan. Naligo ang mga bata. Naglaba ang kalalakihan. Saka sila naghandang muli upang ipagtanggol ang kanilang bayan.

Nang muling lumusob ang higante, pinaulanan nila ito ng pana sa dibdib. Ngunit parang walang puso ang higante. Hindi ito nasasaktan. Nilulon ng higante ang ibang kawal at dinakip ng buhay ang ilang taumbayan.

"Wala sa dibdib ang puso ng higante kaya't hindi siya mapatay," paalala ng isang matanda.

"Nasaan kaya?", tanong ng hari.

"Walang sinumang nakakaalam", sagot ng matanda.

Nag-isip nang paraan ang hari upang matuklasan kung paano mapapatay ang higante. Nang minsang mabusog ito, nagkunyaring nahimatay ang hari. Napasama siya sa mga dinakip ng buhay. Nang makarating sa kuweba, isang batang higante ang sumalubong kay higanteng Amok.

"Narito ang pagkain mo. Matuto kang magtipid. Marunong nang maglinis at magtago ang mga taong marurumi," saka muling umalis ang higante.

Biglang bumangon ang hari at hinugot ang espada. Natakot ang batang higante.

"Hindi ko na po kayo kakainin, huwag ninyo akong patayin," pagmamakaawa nito sa hari.

"Nasaan ang puso ng iyong ama?," sigaw ng hari.

"Hindi mo dapat malaman!," iyak ng batang higante.

"Kung gayon ay papatayin kita!," matapang na sabi ng hari.

"Nasa ilong ang puso ng aking ama kaya't nasasarapan siya sa inyong kabahuan at karumihan," nangangatog na sagot ng batang higante.

Itinali ng hari ang batang higante at pinakawalan ang mga taong nakakulong sa kuweba.

Hinanap ng makisig na hari ang higanteng Amok. Naabutan niya ito sa bayan.

Umakyat sa puno ang hari at tinaga sa ilong ang higante. Namilipit ito sa sakit. Pinagtulungan nilang itali kasama ng batang higante. Sinunog ng taong bayan ang mag-amang higante sa gitna ng tambak nilang basura.

"Hindi n'yo kami mapapatay. Hangga't marumi ang inyong paligid, babalik kami at
sisipsipin ang inyong mga dugo!," sigaw ng higanteng Amok bago siya matupok ng apoy.

Itinapon ng taumbayan ang mga abo ng mag-amang higante sa maruming ilog.

Tumahimik na muli sa bayan ng Tungaw. Ngunit nagulat ang lahat sapagkat mula sa maruming ilog ay may maliliit na insektong lumulusob sa bayan tuwing gabi. Naninipsip sila ng dugo ng mga tao.

Naalala ng mga matatanda ang sabi ng higanteng Amok bago masunog kasama ng anak. Nilinis ng mga taga- Tungaw ang kanilang maruming ilog. Dumalang ang maliliit na insektong naninipsip ng dugo. Kinalaunan, tinawag ng mga taumbayan ang mga insektong, Lamok.

Friday, July 1, 2016

ALAMAT NG MANGGA

4:57:00 PM 19 Comments
Kaisa-isang anak nina Aling Maria at Mang Juan si Ben. Mabait at matulungin si Ben. Nagmana siya sa kanyang mga magulang na mababait din naman. Isang araw, isang matandang pulubi ang kinaawaan ni Ben. Inuwi niya ang pulubi sa bahay, ipinagluto at pinakain. Isang araw naman, samantalang nangangahoy, isang matandang gutom na gutom ang nasalubong niya. Pinakain din niya ito at binigyan ng damit.

Makaraan ang ilang panahon, nagkasakit si Ben. Sa kabila ng pagsisikap ng mag-asawa na pagalingin ang anak, lumubha ito at namatay pagkatapos. Ganoon na lamang ang iyak ng mag-asawa. Kinabukasan, habang nakaburol ang kanilang anak, dumating ang isang diwata. Hiningi nito ang puso ni Ben, Ibinaon ng diwata ang puso sa isang bundok. Ito ay naging punongkahoy na may bungang hugis-puso. Marami ang nakikinabang ngayon sa bungang ito.