Thursday, June 30, 2016

Ang kwento ng dalawang Anghel

11:37:00 PM 7 Comments
May Dalawang Anghel na naglalakbay.  Sa kanilang paglalakbay sila ay ginabi at naghanap
ng matutuluyan.  May nakita silang malaking bahay. 

 "Doon tayo!  Makiusap tayo baka tayo ay patuluyin nila!!!" sabi ng nakababatang anghel. 

 "tok.. tok.. tok.." 

Bumukas ang pinto at isang matandang lalaki ang nagbukas ng pinto.  Ang leeg niya ay nakakasilaw dahil sa gintong kuwintas na kanyang suot. 

 "Kami po ay ginabi sa paglalakbay, maaari po ba kaming makituloy...."  sabi ng nakatatandang anghel. 

Hindi agad nakasagot ang matanda at tinitigan sila.  Nagaalinlangan ang matanda sapagkat sila'y nakabalatkayo at hindi alam na sila ay mga anghel.  Ngunit dahil sa pakiusap ng mga anghel na nagbalatkaong tao sila rin ay pinatuloy.  Sila ay pinatulog sa isang masikip na kuwarto na may maatigas na higaan.  Hindi sila inalok ng makakain kahit na alam ng matandang mayaman na sila ay nangangatog na sa gutom.  Nung sila ay matutulog na, nakita ng nakatatandang anghel na may butas ang dingding ng kuwarto.  Inayos niya iyon at isinarado ang butas.  Nakatingin amang ang nakababatang anghel sa mga nangyari.   Kinabukasan, sila ay nagpasalamat at umalis na.  Naglakbay nanaman sila at napunta sa isang bukid. 

 "Gutom na talaga ako!" sabi ng nakababatang anghel. 
 "O sige teka lang... sa banda roon ay may maliit na kubo...  tingnan natin at tayo ay magtanong sa kanila.." 

 Nung sila ay malapit na sa kubo nakita nila ang magasawang matanda.  Makikita sa kanilang tindig ang hirap ng buhay. 

 "Magandang hapon sa inyo, kayo ba ay naligaw?" sabi ng matandang lalaki. 
 "Ginabi na po kami at kami po ay nagugutom... Nakakahiya po ngunit manghihingi kami ng pabor na kung may konti kayong tinapay ay manghihingi po kami para kami ay makaraos sa gabing ito.."  Sabi ng nakatatandang anghel.

 "Oo meron kami dito at gabi na rin masyado para kayo ay maglakbay, kaya dto na kayo magpalipas ng gabi!" sabi ng matandang babae. 

Gutom man hindi pa rin masyadong nakakain ang nakababatang anghel sapagkat napansin niyang ang ibinigay sa kanila ay ang tanging pagkain ng mag-asawa. Inalok niya subalit ipinilit ng mga matatanda na sila ay kumain sapagkat sila ay malayo apa ang alakbayin kinabukasan.  Maliban doon, pinatulog sila ng mag-asawa sa kanilang higaan, at ang mga matanda ay natulog sa sahig. 

Kinabukasan, nagising ang nakababatang anghel sa isang malakas na iyak.  Lumabas siya at nakita ang matandang babae na umiiyak habang tinitignan ang asawang inaasikaso ang namatay na baka na tangi nilang kayamanan.  Bumalik sa loob ng kubo ang nakababatang anghel na may galit.  Hinarap ang isang anghel at sinabing  

"bakit mo ito ginawa?  iyong mayamang matapobre hindi tayo inasikaso pero inayos mo pa ang dingding ng bahay niya.  Pero itong mga matatandang halos lahat ng mayroon sila ay inalay sa atin.. hinayaan mo pang mamatay ang baka nila...  Bakit???" 

"Naiintindihan ko ang ngitngit mo, munting anghel... Pero nung nandun tayo sa mansyon ng matandang matapobre na sinasabi mo, nakita ko na may kayamanan sa butas ng dingding, hindi pa niya iyon nakikita. At dahil sa masama ang ugali niya tinakpan ko iyon.

Kagabi naman, dumating ang anghel ng kamatayan, kinukuha ang matandang babae pero dahil mabait sila sa atin.. ang kanilang baka ang aking ibinigay...."

Sa ating buhay, maraming ganitong kwento.  Kadalasan nauuna ang ating panghuhusga. Pero ang ating nakikita ay maaaring hindi tulad ng ating inaakala.. Tayo ay binibiyayaan sa paraang madalas ay hindi natin alam...

Ang Alamat ng Manika

1:20:00 PM 0 Comments
Sa isang malayong nayon ay may nakatirang mag-asawa, sina Aling Dolores at Mang Doding. Simple lamang ang kanilang pamumuhay. Isang magsasaka si Mang Doding at isang simpleng may bahay lamang si Aling Dolores. Sila ay biniyayaan ng isang anak – si Anika. Dahil sa nag-iisang anak, lahat ng layaw nito ay nasusunod at likas dito ang pagiging malikot. Ngunit isang bagay ang hindi nito makuha – ang makapunta ng hardin sa likuran ng kanilang bahay dahil mahigpit itong ipinagbabawal ng kanyang ina.

Kapag tapos ng gawin ni Aling Dolores ang mga gawaing bahay, at nakikitang maga-alastres na ay kaagad itong nagpupunta sa kanilang hardin. Minana niya pa ito mula sa kanyang lola. Nang mamatay ang kanyang ina ay nangako siyang aalagaan nito ang hardin ng mabuti.

Nahihiwagaan si Anika sa hardin kung bakit hindi siya pinapasama ng kanyang ina. Maraming katanungan ang bumabagabag sa kanyang isipan. Ni minsan ay hindi niya pa nakita ang hardin. Napapalibutan ito ng matataas na bakod. Alam niyang ito’y napakaganda dahil sa labas pa lamang ay amoy niya na ang mababangong samyo ng mga bulaklak at mga huni ng iba’t ibang ibon.

Isang araw nagpunta si Aling Dolores sa bayan upang mamalengke.

“Anika, dito ka lang. Huwag kang lalabas hanggang hindi dumarating ang tatay mo galing palayan. Tandaan mo huwag kang magpupunta sa hardin.” paalala ni Aling Dolores.
“Opo ‘nay.” Sagot ni Anika.

“Ito na ang pagkakataon kung makapunta ng hardin. Alam kong mamaya pa darating si tatay at gagabihin naman ng uwi si nanay. Sa wakas makikita ko na ang hardin.” Wika ni Anika sa sarili.

Kinuha niya ang susi ng hardin sa kuwarto ni Aling Dolores. Minsan kasi ay nakita niya itong kinuha sa isang baol. Madaling natuntun ni Anika ang susi at nagmadaling magpunta ito sa hardin. Kinakabahan siya, magkahalo ang kaba at tuwa na kanyang nararamdaman. Wala siyang pakialam kung malaman man ito ng kanyang ina ang importante ay makita niya na ang hardin.

Dahandahan niyang binuksan ang pintuan ng bakod. Namangha siya sa kanyang nakita.
“Bakit ganito? Bakit walang laman ang hardin? Walang mga bulaklak at halaman. Isa lamang itong bakanteng lote.” Wika nito sa sarili.

Pinagmasdan niya ang buong kapaligiran, napakaraming pintuan. Naglakadlakad ito hanggang sa nabagot na siya. Dahil sa wala siyang nakita ay naisipan niyang umuwi. Ngunit hindi niya na matandaan ang pintuan kung saan siya pumasok. Lahat ng pintuan ay magkakatulad, nilolomot at punong-puno ng mga ugat ng mga halaman.

 “Kailangan kong magmadaling umuwi dahil magaalas-tres na ng hapon at uuwi na si Itay.”

Isaisa niyang binuksan ang mga pintuan ngunit wala siyang nakikita kung hindi kawalan. Puno ng usok ang mga ito sa tuwing kanyang bubuksan.

“Ding..Dong..Din..Dong..” narinig ni Anika ang tunog ng kampana na hudyat na ikatlo na ng hapon.

Nang humarap ulit siya sa hardin ay iba na ang kanyang nakita. Ang kaninang bakanteng hardin ay punong-puno na ng mga naggagandahang halaman. Ang lahat ng kaba niya at pagtataka ay bigla na lamang nawala na parang bula. Napakaganda nga ito kagaya ng iniisip niya. Punong-puno ito ng mga bulaklak. Iba-iba ang kulay bughaw,pula,dilaw,lila at marami pang iba. Naamoy niya ang halimuyak mga rosas, Dama de Noche, mga orkidyas at iba pa. Nakikita niya ring nagliliparan ang mga ibon.

“Kaya pala gustung-gusto ni Inay na magpunta dito kasi maganda talaga dito.” Wika uli nito sa sarili.

Isang napakagandang paruparo ang umagaw sa kanyang atensyon.
Ang kulay nito ay parang bahaghari. Matingkad na matingkad at kumikislap-kislap ang mga pakpak nito. Sa tuwing lilipad ito ay may mga maiiwang mga gintong alikabok.

“Halika maglaro tayo. Habulin mo ako.” Anyaya ng paruparo.

Sinundan niya ang paruparo kahit saan ito magpunta. Kapag hindi niya makita ay nagbabato ito ng buhangin sa mga halaman at bulaklak. Lalabas naman ang paruparo dahil natatamaan ito. Hindi siya sumuko hanggang hindi niya ito nahuhuli.

“Sa wakas nahuli din kita!” bulalas ni Anika.

Isinilid niya ito sa isang lata na nakita niya sa pintuan ng hardin. Pinaglarularuan niya ito, tinapik-tapik ang mga pakpak at ang mga mata nito ay tinutusok-tusok niya ng tuyong sanga ng isang halaman.

“Aray! Nasasaktan ako.” Pagrereklamo ng paruparo.

Sobrang tuwa ang kanyang nararamdaman kaya hindi niya na inintindi ang mga sinasabi ng paruparo. Sa bawat pagtapik nito sa paruparo ay mayroong munting bagay na kulay ginto na naiiwan sa kanyang mga palad. Sa bandang huli ay napatay niya ito.
Naghanap ulit siya ng makakalaro nakita niya naman ang isang tutubi. Meron itong mga pakpak na katulad sa paruparo ngunit ito ay kulay puti, meron din itong parang gintong isinasaboy tuwing lilipad o dadapo sa mga halaman o bulaklak. Hinuli niya din ito. Pinaglaruan, at ng nagsawa ay tinalian ng mga ugat ng halaman, pinutulan ng mga pakpak at kanyang puwetan. Kagaya sa paruparo namatay din ito.
Ganoon din ang sinapit ng mga bubuyog, langgam, mga bulaklak at halaman sa hardin, pinapatay niya kapag nagsasawa na.

Habang pinaglalaruan ang isang bulaklak ay natawag ang kanyang pansin ng isang halaman sa gitna ng hardin. Ginto ang kulay ng puno at mga dahon nito.

          “Halika dito Anika.” Pagtawag sa kanya ng halaman.
          “Ang ganda mo naman puwede ba tayong maglaro?” wika ni Anika.
          “Aba,oo naman.” Pagsang-ayon ng halaman.
          “Ano naman ang ating lalaruin?” pagtatanong ni Anika.
          “Walang galawan. Kapag ako ang unang gumalaw, lahat ng hilingin mo ay ibibigay ko. Kapag ikaw, ikaw ay aking gagawing laruan.” Ang sagot ng misteryosang halaman.
          “Sige, sang-ayon ako diyan.” Wika ni Anika na hindi man lamang inisip ang kondisyon dahil sabik na itong maglaro.
          “Isa, dalawa, tatlo, simulan na!” Sigaw ng halaman na hudyat na magsisimula na sila.
          
Hindi pa nga lumilipas ang limang minuto ay gumalaw na si Anika.
          “Hahahahahaha. Sa wakas ay may magkakasama na ako. Pinatay mo na kasi lahat ng kaibigan ko dito.” Malakas na tawa ng halaman.

Hanggang sa naramdaman niyang lumiliit siya. Humingi siya ng tulong ngunit wala sa kanyang nakakarinig. Ginusto man niyang makatayo ay hindi niya magawa. Naninigas ang buo niyang katawan.

larawan mula sa wikimedia
“Ganyan ang nangyayari sa mga batang walang pagpapahalaga sa mga bagay at akala lahat ay laruan lamang. Hindi man lamang isinasaisip ang pagpapahalaga sa mga ito.” Wika uli ng halaman.

Sa kabilang dako naman ay nag-aalala na ang kanyang mga magulang. Labis ang pag-aalala nila kay Anika.

“Doring! Doring! Wala na si Anika! Nagpunta siya sa hardin. Sabi ko na sa kanya huwag siyang magpunta sa doon. Ano ba ang pumasok sa isip ng batang iyon. Wala naming espesyal sa hardin. Simpleng hardin lamang ito kagaya ng sa iba!” Nanlulumong saad ni Aling Dolores kay Mang Doring ng makitang wala ang susi sa pinagtaguan nito.

“Wala na tayong magagawa kung hindi ang magdasal na sana ay walang nangyaring masama sa kanya.” Nalulungkot na tugon ni Mang Doring.

          Kinabukasan ay nagtungo agad ang mag-asawa sa hardin. Nakita nila ang isang napakaliit na tao ngunit walang buhay. Ito ay yari sa kahoy, mga sanga at mga buto ng halaman. Suot nito ang damit ni Anika.

          Labis nilang kinalungkot ang nangyari sa kanilang anak. Ngunit wala ng nagawa ang mag-asawa. Dinala nila ang laruang babae na walang buhay at pinangalanang Anika.
      
    Napag-alaman na ang halaman pala ang Diwatang ng Kapaligiran na siyang tagapangalaga sa may mga buhay at ito’y napadaan lamang sa hardin sa oras na si Anika ay pumasok dito. Lubos itong nagagalit kung may nang-aalipusta sa kalikasan.
Ng lumaon dahil sa pagkakasalin-salin sa mga salita ang pangalang Anika ay naging MANIKA.

Wednesday, June 29, 2016

ANG PAGONG AT ANG KUNEHO

8:06:00 PM 64 Comments
Isang hapon, nagkita si Pagong at si Kuneho sa daan. Biniro ni Kuneho si Pagong sa kanyang maliliit na paa na naging dahilan kung bakit napakabagal niyang maglakad.

Nainsulto si Pagong sa mga biro ni Kuneho. Sa kagustuhan ni Pagong na patunayang mali si Kuneho sa kanyang mga paratang, hinamon niya si Kuneho at nagsabing, "Kung gusto mong subukin ang aking kakayahan, bakit hindi natin daanin sa isang paligsahan. Maaaring mabilis ka subalit malakas naman ang aking resistensya," ang hamon ni Pagong.

"Anong paligsahan ang nais mo?" tanong ni Kuneho.

"Kung gusto mo ay unahan na lang tayong makarating sa tuktok ng ikatlong bundok," sagot ni Pagong.

Nagalak si Kuneho sa hamon ni Pagong. Tiwala sa sariling magagapi niya si Pagong sa paligsahan. Bawat isa sa kanila ay nangumbida ng kanilang mga kaibigan upang saksihan ang kagila-gilalas na paligsahan.

Kinabukasan, umagang-umaga, marami ang nagsidalo. Dumating ang kalabaw na minsan na ring nakalaban ni Pagong, ang kabayo, baboy, palaka, bibe, manok, aso, pusa, kambing, baka, pato, lawin, usa, baboy ramo at marami pang iba. Hindi, magkamayaw ang mga hayop sa kasiyahan. Noon lang sila makakapanood ng ganoong klaseng labanan.

Ang unggoy ang nagbigay-hudyat ng pasimula ng paligsahan.
Sa pasimula pa lang ay naiwan na nang malayo si Pagong. Halos hindi na makita ni Kuneho si Pagong dahil sa kalayuan ng kanilang pagitan.
Narating ni Kuneho ang tuktok ng ikalawang bundok. Hindi na niya matanaw si Pagong.

"Ah, mabuti pa ay mamahinga muna ako. Malayo pa naman si  pagong.
Napakalayo ng agwat naming dalawa." ang sabi ni Kuneho sa kanyang sarili.
Naupo si Kuneho sa ilalim ng isang puno. Nang dahil sa kapaguran, hindi niya namalayang siya ay naidlip.

Samantala, si Pagong ay nakarating sa tuktok ng ikalawang bundok nang magtatanghali. Inabutan pa niya si Kunehong naghihilik. Himbing na himbing si Kuneho. Dala marahil ng kanyang kapaguran.

Magdadapit-hapon na nang matanaw ni Pagong ang rurok ng ikatlong bundok. Malapit na siya.

Noon palang nagising si Kuneho. Tinanaw niya ang ibaba ng bundok sa pag-aakalang nandoon pa rin si Pagong subalit wala pa rin. Sinimulan na niya muling tumakbo. Takbong walang pahinga. Laking gulat niya ng abutan niya si Pagong sa ituktok ng ikatlong bundok na namamahinga na. Hiyawan ang lahat ng hayop. Lahat sila ay bumati kay Pagong.

Si Kuneho naman ay hiyang-hiya sa pangyayari. Humingi siya ng paumanhin kay Pagong sa ginawa niyang pang-iinsulto. Simula noon ay nagging halimbawa na ng mga hayop na hindi dapat maliitin ang kanilang kapwa.