Kapag tapos ng gawin ni Aling Dolores ang mga gawaing bahay, at nakikitang maga-alastres na ay kaagad itong nagpupunta sa kanilang hardin. Minana niya pa ito mula sa kanyang lola. Nang mamatay ang kanyang ina ay nangako siyang aalagaan nito ang hardin ng mabuti.
Nahihiwagaan si Anika sa hardin kung bakit hindi siya pinapasama ng kanyang ina. Maraming katanungan ang bumabagabag sa kanyang isipan. Ni minsan ay hindi niya pa nakita ang hardin. Napapalibutan ito ng matataas na bakod. Alam niyang ito’y napakaganda dahil sa labas pa lamang ay amoy niya na ang mababangong samyo ng mga bulaklak at mga huni ng iba’t ibang ibon.
Isang araw nagpunta si Aling Dolores sa bayan upang mamalengke.
“Anika, dito ka lang. Huwag kang lalabas hanggang hindi dumarating ang tatay mo galing palayan. Tandaan mo huwag kang magpupunta sa hardin.” paalala ni Aling Dolores.
“Opo ‘nay.” Sagot ni Anika.
“Ito na ang pagkakataon kung makapunta ng hardin. Alam kong mamaya pa darating si tatay at gagabihin naman ng uwi si nanay. Sa wakas makikita ko na ang hardin.” Wika ni Anika sa sarili.
Kinuha niya ang susi ng hardin sa kuwarto ni Aling Dolores. Minsan kasi ay nakita niya itong kinuha sa isang baol. Madaling natuntun ni Anika ang susi at nagmadaling magpunta ito sa hardin. Kinakabahan siya, magkahalo ang kaba at tuwa na kanyang nararamdaman. Wala siyang pakialam kung malaman man ito ng kanyang ina ang importante ay makita niya na ang hardin.
Dahandahan niyang binuksan ang pintuan ng bakod. Namangha siya sa kanyang nakita.
“Bakit ganito? Bakit walang laman ang hardin? Walang mga bulaklak at halaman. Isa lamang itong bakanteng lote.” Wika nito sa sarili.
Pinagmasdan niya ang buong kapaligiran, napakaraming pintuan. Naglakadlakad ito hanggang sa nabagot na siya. Dahil sa wala siyang nakita ay naisipan niyang umuwi. Ngunit hindi niya na matandaan ang pintuan kung saan siya pumasok. Lahat ng pintuan ay magkakatulad, nilolomot at punong-puno ng mga ugat ng mga halaman.
“Kailangan kong magmadaling umuwi dahil magaalas-tres na ng hapon at uuwi na si Itay.”
Isaisa niyang binuksan ang mga pintuan ngunit wala siyang nakikita kung hindi kawalan. Puno ng usok ang mga ito sa tuwing kanyang bubuksan.
“Ding..Dong..Din..Dong..” narinig ni Anika ang tunog ng kampana na hudyat na ikatlo na ng hapon.
Nang humarap ulit siya sa hardin ay iba na ang kanyang nakita. Ang kaninang bakanteng hardin ay punong-puno na ng mga naggagandahang halaman. Ang lahat ng kaba niya at pagtataka ay bigla na lamang nawala na parang bula. Napakaganda nga ito kagaya ng iniisip niya. Punong-puno ito ng mga bulaklak. Iba-iba ang kulay bughaw,pula,dilaw,lila at marami pang iba. Naamoy niya ang halimuyak mga rosas, Dama de Noche, mga orkidyas at iba pa. Nakikita niya ring nagliliparan ang mga ibon.
“Kaya pala gustung-gusto ni Inay na magpunta dito kasi maganda talaga dito.” Wika uli nito sa sarili.
Isang napakagandang paruparo ang umagaw sa kanyang atensyon.
Ang kulay nito ay parang bahaghari. Matingkad na matingkad at kumikislap-kislap ang mga pakpak nito. Sa tuwing lilipad ito ay may mga maiiwang mga gintong alikabok.
“Halika maglaro tayo. Habulin mo ako.” Anyaya ng paruparo.
Sinundan niya ang paruparo kahit saan ito magpunta. Kapag hindi niya makita ay nagbabato ito ng buhangin sa mga halaman at bulaklak. Lalabas naman ang paruparo dahil natatamaan ito. Hindi siya sumuko hanggang hindi niya ito nahuhuli.
“Sa wakas nahuli din kita!” bulalas ni Anika.
Isinilid niya ito sa isang lata na nakita niya sa pintuan ng hardin. Pinaglarularuan niya ito, tinapik-tapik ang mga pakpak at ang mga mata nito ay tinutusok-tusok niya ng tuyong sanga ng isang halaman.
“Aray! Nasasaktan ako.” Pagrereklamo ng paruparo.
Sobrang tuwa ang kanyang nararamdaman kaya hindi niya na inintindi ang mga sinasabi ng paruparo. Sa bawat pagtapik nito sa paruparo ay mayroong munting bagay na kulay ginto na naiiwan sa kanyang mga palad. Sa bandang huli ay napatay niya ito.
Naghanap ulit siya ng makakalaro nakita niya naman ang isang tutubi. Meron itong mga pakpak na katulad sa paruparo ngunit ito ay kulay puti, meron din itong parang gintong isinasaboy tuwing lilipad o dadapo sa mga halaman o bulaklak. Hinuli niya din ito. Pinaglaruan, at ng nagsawa ay tinalian ng mga ugat ng halaman, pinutulan ng mga pakpak at kanyang puwetan. Kagaya sa paruparo namatay din ito.
Ganoon din ang sinapit ng mga bubuyog, langgam, mga bulaklak at halaman sa hardin, pinapatay niya kapag nagsasawa na.
Habang pinaglalaruan ang isang bulaklak ay natawag ang kanyang pansin ng isang halaman sa gitna ng hardin. Ginto ang kulay ng puno at mga dahon nito.
“Halika dito Anika.” Pagtawag sa kanya ng halaman.
“Ang ganda mo naman puwede ba tayong maglaro?” wika ni Anika.
“Aba,oo naman.” Pagsang-ayon ng halaman.
“Ano naman ang ating lalaruin?” pagtatanong ni Anika.
“Walang galawan. Kapag ako ang unang gumalaw, lahat ng hilingin mo ay ibibigay ko. Kapag ikaw, ikaw ay aking gagawing laruan.” Ang sagot ng misteryosang halaman.
“Sige, sang-ayon ako diyan.” Wika ni Anika na hindi man lamang inisip ang kondisyon dahil sabik na itong maglaro.
“Isa, dalawa, tatlo, simulan na!” Sigaw ng halaman na hudyat na magsisimula na sila.
Hindi pa nga lumilipas ang limang minuto ay gumalaw na si Anika.
“Hahahahahaha. Sa wakas ay may magkakasama na ako. Pinatay mo na kasi lahat ng kaibigan ko dito.” Malakas na tawa ng halaman.
Hanggang sa naramdaman niyang lumiliit siya. Humingi siya ng tulong ngunit wala sa kanyang nakakarinig. Ginusto man niyang makatayo ay hindi niya magawa. Naninigas ang buo niyang katawan.
larawan mula sa wikimedia |
Sa kabilang dako naman ay nag-aalala na ang kanyang mga magulang. Labis ang pag-aalala nila kay Anika.
“Doring! Doring! Wala na si Anika! Nagpunta siya sa hardin. Sabi ko na sa kanya huwag siyang magpunta sa doon. Ano ba ang pumasok sa isip ng batang iyon. Wala naming espesyal sa hardin. Simpleng hardin lamang ito kagaya ng sa iba!” Nanlulumong saad ni Aling Dolores kay Mang Doring ng makitang wala ang susi sa pinagtaguan nito.
“Wala na tayong magagawa kung hindi ang magdasal na sana ay walang nangyaring masama sa kanya.” Nalulungkot na tugon ni Mang Doring.
Kinabukasan ay nagtungo agad ang mag-asawa sa hardin. Nakita nila ang isang napakaliit na tao ngunit walang buhay. Ito ay yari sa kahoy, mga sanga at mga buto ng halaman. Suot nito ang damit ni Anika.
Labis nilang kinalungkot ang nangyari sa kanilang anak. Ngunit wala ng nagawa ang mag-asawa. Dinala nila ang laruang babae na walang buhay at pinangalanang Anika.
Napag-alaman na ang halaman pala ang Diwatang ng Kapaligiran na siyang tagapangalaga sa may mga buhay at ito’y napadaan lamang sa hardin sa oras na si Anika ay pumasok dito. Lubos itong nagagalit kung may nang-aalipusta sa kalikasan.
Ng lumaon dahil sa pagkakasalin-salin sa mga salita ang pangalang Anika ay naging MANIKA.
No comments:
Post a Comment