Showing posts with label pambata. Show all posts
Showing posts with label pambata. Show all posts

Saturday, July 20, 2024

Ang Alamat ng Ibong Adarna

7:47:00 AM 0 Comments

Noong unang panahon, sa kaharian ng Berbanya, naninirahan ang mabait at makatarungang hari na si  Haring Fernando at ang kanyang reyna, si Reyna Valeriana. Sila'y may tatlong anak na lalaki: sina Don Pedro, Don Diego, at Don Juan. Ang kanilang kaharian ay puno ng kasaganaan at kapayapaan.

Isang araw, nagkasakit si Haring Fernando. Hindi magamot ng mga manggagamot ang kanyang karamdaman at labis itong ikinabahala ng buong kaharian. Sa gitna ng kanilang pag-aalala, isang matandang ermitanyo ang dumating sa palasyo at nagsabi, 


"Tanging ang awit ng Ibong Adarna lamang ang makakapagpagaling sa inyong hari." 

 

Agad na nagpasya ang tatlong prinsipe na hanapin ang mahiwagang ibon. Si Don Pedro, ang panganay, ang unang naglakbay. Lumipas ang mga buwan ngunit hindi siya nakabalik. Sumunod naman si Don Diego, ngunit tulad ng kanyang kapatid, siya rin ay nabigo at hindi nakabalik.


Sa kabila ng panganib, nagpasya si Don Juan, ang bunsong prinsipe, na hanapin ang Ibong Adarna. Habang naglalakbay, nakilala niya ang isang matandang ermitanyo na nagbigay sa kanya ng payo at mahika. 

"Sa Bundok Tabor mo matatagpuan ang Ibong Adarna. Gamitin mo ang mahiwagang lubid na ito upang hindi ka makatulog sa awit ng ibon."


Matapos ang mahabang paglalakbay, narating ni Don Juan ang Bundok Tabor. Sa puno ng Piedras Platas, nakita niya ang Ibong Adarna na kumakanta ng kanyang mahiwagang awit. Ginamit ni Don Juan ang mahiwagang lubid at napanatili niyang gising ang sarili habang pinagmamasdan ang pitong kulay ng balahibo ng ibon na nagbabago sa bawat pag-awit nito.


Matapos kumanta, ang ibon ay natulog. Agad na hinuli ni Don Juan ang Ibong Adarna at dinala pabalik sa kaharian ng Berbanya. Sa kanilang pagdating, agad kumanta ang ibon sa harap ni Haring Fernando at, sa isang himala, gumaling ang hari mula sa kanyang karamdaman.


Sa kabila ng tagumpay ni Don Juan, nagtanim ng inggit ang kanyang mga kapatid. Pinagtangkaan siyang saktan at iwanan sa gubat. Ngunit sa tulong ng mahiwagang ermitanyo, nakabalik si Don Juan sa palasyo at ipinakita ang tunay na kabutihan ng kanyang puso.


Sa huli, napatawad ni Haring Fernando ang kanyang dalawang nakatatandang anak at pinarangalan si Don Juan. Mula noon, naging simbolo ng katapangan, kabutihan, at pagmamahal sa pamilya si Don Juan, at ang alamat ng Ibong Adarna ay naipasa-pasa mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod.

Thursday, June 15, 2017

Ang Alamat Ng Aso

5:17:00 AM 0 Comments
Kina iinggitan ang mabuting samahan ng mag-kaibigang Masong at Lito. Bata pa sila ay ay lagi na silang magkasama. Lagi nilang inaalala at nag-aalala sa ang isa't isa. Lagi rin silang magkasama sa bawat lakaran.

Nanatili ang magandang samahan ng dalawa hanggang sa kanilang pagbibinata. Naging bahagi na ng buhay nila ang pag tutulungan. Mula sa paggawa sa bukid hanggang sa pangangahoy sa gubat ay lagi silang magkasama.

Isang araw hindi inaasahan nan a nagkaroon ng malubhang sakit Masong. Humantong iyon sa kamatayan ng binatilyo, labis na nagluksa si Lito. Hindi niya matanggap na wala na ang nag iisa nyang kaibigan. Araw-araw niyang dinadalaw ang puntod nito at nililinis. Madalas ay kinakausap rin niya ito na parang nasa tabi lang at nakikinig sa kanya.

Minsa ay sumama ang pakiramdam ni Lito. Kaunting lakad lang ay hilung-hilo na siya. Pinigilan siya ng ina sa pagdalaw sa libingan ni Masong. Ilang araw ding naramdaman ni Lito ang pagka hilo.

Sa buong panahon ng pagkakasakit ay may isang maliit na hayop na umuwi kina Lito. Lagi
 iyong itinataboy ng ina ngunit balik nang balik sa tapat ng silid ng binatilyo na tila nagbabantay sa kanya.

Nang mabawi ang lakas ay ang puntod ni Masong ang unang pinuntahan ni Lito. Doon ay nakita niya ang hayop na araw-araw na itinataboy ng ina. Nakatayo iyon sa tapat ng puntod. 

Hindi na humiwalay ang hayop hanggang sa pag-uwi niya. Natu-tulog ito sa paanan niya at pag-gising niya sa umaga ay sasalubungin siya ng tahol at kawag sa buntot nito. Dahil sa hayop ay nalimot ni Lito ang lungkot ng pagkamatay ni Masong.

Pinangalanan niyang Masong ang hayop pero nang lumaon ay naging aso ang tawag dito.

Sunday, July 3, 2016

ALAMAT NG LAMOK ni Severino Reyes

11:10:00 PM 0 Comments
Noong unang panahon sagana sa lahat ng bagay ang bayan ng Tungaw. Mataba ang lupang taniman dito. Masasaya ang mga tao. Ngunit marumi sila sa kanilang kapaligiran. Madalas na naglulusak sa dumi ang mga bakuran. Nagkalat ang mga balat ng prutas kahit saan. Nanlilimahid ang mga bata sa daan.

Isang araw, nahintakutan ang lahat sa biglang pagkawala ng ilang mga tao. 

Walang nakakaalam kung saan sila napupunta. Padalas nang padalas ang mga

nawawala kaya't lumapit ang taong bayan sa kanilang makisig na hari upang

humingi ng tulong.

"Magbantay tayo sa bawat sulok ng ating bayan," sabi ng hari.

Kahit ubuhin sila sa nakasusulasok na mga basura, araw at gabing nagbantay ang mga taong bayan at mga kawal. Hanggang sa makita nila ang paglitaw ng higanteng si Amok sa may paanan ng bundok. Kinuha nito ang isang magbubukid at agad na nilulon.

"Wala nang sasarap pa sa maruruming tao! Blurp," dighay ng higante.

"Wala tayong laban sa higante," panlulumo ng isang binatang nangungutib ang kamiseta.

"Mabuti sigurong umalis na lamang tayo sa Tungaw," mungkahi ng mga matatandang kutuhin.

Iwanan kaya nila ang kanilang maruming bayan?

"Hindi natin maaaring iwan ang ating bayan. Dapat natin itong ipagtanggol," mahigpit na sabi ng hari.

"Nasasarapan ang higanteng Amok sa ating karumihan. Kailangan nating maglinis upang iwanan tayo ng higante," utos ng hari.

Nagwalis ang kababaihan. Naligo ang mga bata. Naglaba ang kalalakihan. Saka sila naghandang muli upang ipagtanggol ang kanilang bayan.

Nang muling lumusob ang higante, pinaulanan nila ito ng pana sa dibdib. Ngunit parang walang puso ang higante. Hindi ito nasasaktan. Nilulon ng higante ang ibang kawal at dinakip ng buhay ang ilang taumbayan.

"Wala sa dibdib ang puso ng higante kaya't hindi siya mapatay," paalala ng isang matanda.

"Nasaan kaya?", tanong ng hari.

"Walang sinumang nakakaalam", sagot ng matanda.

Nag-isip nang paraan ang hari upang matuklasan kung paano mapapatay ang higante. Nang minsang mabusog ito, nagkunyaring nahimatay ang hari. Napasama siya sa mga dinakip ng buhay. Nang makarating sa kuweba, isang batang higante ang sumalubong kay higanteng Amok.

"Narito ang pagkain mo. Matuto kang magtipid. Marunong nang maglinis at magtago ang mga taong marurumi," saka muling umalis ang higante.

Biglang bumangon ang hari at hinugot ang espada. Natakot ang batang higante.

"Hindi ko na po kayo kakainin, huwag ninyo akong patayin," pagmamakaawa nito sa hari.

"Nasaan ang puso ng iyong ama?," sigaw ng hari.

"Hindi mo dapat malaman!," iyak ng batang higante.

"Kung gayon ay papatayin kita!," matapang na sabi ng hari.

"Nasa ilong ang puso ng aking ama kaya't nasasarapan siya sa inyong kabahuan at karumihan," nangangatog na sagot ng batang higante.

Itinali ng hari ang batang higante at pinakawalan ang mga taong nakakulong sa kuweba.

Hinanap ng makisig na hari ang higanteng Amok. Naabutan niya ito sa bayan.

Umakyat sa puno ang hari at tinaga sa ilong ang higante. Namilipit ito sa sakit. Pinagtulungan nilang itali kasama ng batang higante. Sinunog ng taong bayan ang mag-amang higante sa gitna ng tambak nilang basura.

"Hindi n'yo kami mapapatay. Hangga't marumi ang inyong paligid, babalik kami at
sisipsipin ang inyong mga dugo!," sigaw ng higanteng Amok bago siya matupok ng apoy.

Itinapon ng taumbayan ang mga abo ng mag-amang higante sa maruming ilog.

Tumahimik na muli sa bayan ng Tungaw. Ngunit nagulat ang lahat sapagkat mula sa maruming ilog ay may maliliit na insektong lumulusob sa bayan tuwing gabi. Naninipsip sila ng dugo ng mga tao.

Naalala ng mga matatanda ang sabi ng higanteng Amok bago masunog kasama ng anak. Nilinis ng mga taga- Tungaw ang kanilang maruming ilog. Dumalang ang maliliit na insektong naninipsip ng dugo. Kinalaunan, tinawag ng mga taumbayan ang mga insektong, Lamok.