Sunday, July 7, 2019

Alamat ng Buwaya

2:21:00 AM 4 Comments
Noong unang panahon ay may isang babaeng nabubuhay na wala nang ginawa kundi ang kumain
nang kumain at likumin ang kayamanan ng mga tao. Inuubos niya ang mga ani, salapi at ginto ng mga tao sa bawat nayong kanyang pinupuntahan. Nagagawa niya iyon sa pamamagitan ng pagbabalatkayo bilang isang pulubi. Pagkatapos niyon ay tuwang-tuwang iiwan niya ang lugar. At bago pa may makatuklas sa ginawa niya ay huli na ang lahat. Naghihirap at nagkakasakit na ang mga tao.

Isang nayon na lamang ang hindi pa niya napupuntahan. Matatagpuan iyon sa kabilang bundok. Tahimik na nagtungo siya roon dala ang saku-sakong kayamanang nalikom niya sa mga nayong napuntahan na niya.

Sa gubat na malapit sa isang lawa ay nagtayo siya ng kubo. Doon niya iniba ang kanyang anyo : pinalitan niya ang kanyang damit, nagsuot siya ng peluka at dinungisan niya ang katawan para magmukha siyang pulubi. Nag-iba rin siya ng pangalan. "Aling Aya" ang pakilala niya sa mga tagaroon.

Tuwing umaga ay naglalagi siya sa harap ng simbahan upang mamalimos. Umiiyak siya upang maawa sa kanya ang mga tao. "Maawa na po kayo...Tatlong araw na po akong hindi kumakain..."

Dala ng awa, lahat ng napapadaan sa simbahan ay nagbibigay ng limos kay Aya.

Pagsikat ng araw, muling lalabas at mamamalimos si Aya. Nagtutungo siya sa mga kabahayan upang humingi ng pagkain, pera at kung anu-ano pa. Sa husay niya sa paghikayat at sa pag-iyak, napapaniwala niya ang lahat na siya ay isang pulubi.

Sari-saring kuwento ang hinahabi niya para makuha ang mga kayamanan ng mga taganayon: "Maawa ka na. Isa sa aking mga anak ang malubha ang sakit. Kailangan ko ng gamot.." sabi niya sa isa. "Hindi pa ako kumakain, ineng. Baka puwedeng bigyan mo ako ng kinakain mo kahit kaunti lang?" pagmamakaawa naman niya sa isa. "Hinipan ng nakaraang bagyo ang aking nag-iisang kubo. Palabuy-laboy ako at wala na akong matirhan," kuwento niya sa isa pa. Tumutulo ang kanyang huwad na luha.

Pati si Manong Kuwago na kanyang nadaanan isang gabi sa itaas ng puno sa plaza ay kanyang hiningan ng limos. Muli, bumuhos ang luha niya sa harap ng ibon para maawa ito sa kanya.

"Manong Kuwago, maawa ka sa isang kagaya kong nauubusan na ng lakas..."

Kahit gutom si Manong Kuwago ay nagawa nitong ibigay ang isdang tangan nito. "Maghahanap na lang ako ng mahahapunan. May pakpak ako at kaya kong maghanap pa ng makakain." Pagkabigay nito ng kakainin na lamang na isda ay lumipad na ito. Napangisi si Aya. Nakaloko na naman ako, sabi niya sa isip.

Nang gabi ring iyon, habang kumakain ng bayabas si Manong Kuwago sa itaas ng isang puno sa gubat ay namataan niya si Aya na naglalakad na nang tuwid ang babaeng "pulubi." Isa-isang tinatanggal nito ang gula-gulanit na damit, ang dumi sa mukha at ang peluka. Sinundan niya si Aya patungo sa kubo nito. Doon niya natuklasan ang lihim nito. Nakita niya ang tunay na anyo nito, pati na ang kaban-kabang pera at kayamanang nalikom nito. Nakangisi ito habang kinakausap nito ang sarili.

"Mapapasaakin ang lahat ng kayamanan nila. Mga hangal sila. Napakahusay ko talaga. 'Pag naubos ko na lahat ang kanilang kayamanan, lalayas ako sa lugar na ito at magbubuhay-reyna."

Kinaumagan, mabilis na ibinalita ni Manong Kuwago ang kanyang nakita sa mga taganayon.

"Maniwala kayo sa akin. Huwag ninyong hintaying maubos ang kayamanan ng bayang ito dahil sa masamang ugali ni Aya."

Pero iniwan lang siya ng mga tao. Ni isa ay walang naniwala sa kanya.

Hanggang sa magsimulang maubos ang mga pera, ginto at pagkain ng mga taganayon. Ang ilan sa mga bata ay nagkasakit dahil sa kakulangan sa pagkain at pera.

Awang-awa si Manong Kuwago sa kanyang nakikita.

Isang araw, habang patuloy sa pamamalimos si Aya sa plaza, dumating si Manong Kuwago.

"Patutunayan ko sa inyong isang huwad si Aya! Na hindi siya pulubi at nagbabalatkayo lamang!" 

Lumipad siya at tinanggal ang peluka ni Aya. Pinagtatanggal niya ang gula-gulanit na damit nito. Tumambad ang mga alahas na nakasabit sa katawan nito. Pinagpapagpag niya ng kanyang pakpak ang mga dumi sa mukha nito hanggang sa lumitaw ang tunay na anyo nito.

Walang nagawa si Aya.

Nagulat ang lahat. "Sino ka?! Sino ka?!" sigaw ng isang taganayon.

"Uubusin niya ang kayamanan natin, pagkatapos ay aalis siya. Ganyang din ang ginawa niya sa mga karatig-nayon!"

Nagawang tumakbo ni Aya bago pa siya malapitan ng mga tao. Hanggang marating niya ang kanyang
kubo. Dagling kinuha niya ang saku-sakong kayamanan at mabilis na nilisan ang kubo.

Nilusong ni Aya ang lawa. Nang makarating siya sa gitna at nakita niyang napapaligiran siya ng mga tao, isinubo niya sa isa-isa ang laman ng mga sako: ang mga pagkain, pera, ginto at kung anu-ano pa. Hanggang sa lumaki nang lumaki ang bibig niya at nabundat siya. Ngunit wala siyang pakialam dahil sadyang sakim siya.

Unti-unti ay lumubog ang kanyang katawan. Walang nagawa ang mga tao kundi ang mamangha sa ginawa niya. Dahil sa bigat niya, nilamon siya ng lawa. Bumula ang tubig hanggang sa magtining iyon.

Nagulat ang mga tao nang ilang sandali lamang ay isang buntot na malaki na may napakakapal na balat ang lumitaw sa lawa at bigla ring lumubog. Nagtakbuhan ang mga tao sa takot.

Mula noon, muling nanumbalik ang katahimikan sa nayon. Pero hindi na dumayo ang mga tao sa lawang iyon. May nagsasabing may isang hayop na nagpapakita sa lawa-dambuhala, malaki ang bibig at may matutulis at matatalim na ngipin. Magaspang ang balat niyon, may mahabang buntot at mistulang sa halimaw ang anyo. Minsan daw ay gumagapang iyon sa pampang. Kaya takot na ang mga taong magawi sa lawang iyon na tinawag ng mga taganayong "Lawa ni Aya."

Lumipas ang maraming taon, nagpasalin-salin sa mga bibig ng mga tao ang kuwento ni Aya: "Si Aya sa Lawa." Kinalaunan, umikli na lamang iyon at naging "buwaya."


Kaya sa susunod na makakita kayo ng buwaya, huwag kayong maniwala sa kanyang mga luha. Sadya lamang lumuluha iyon pero walang lungkot na nararamdaman. Higit sa lahat, huwag lalapitan iyon dahil ang buwaya ay isang mabangis na hayop.

Monday, July 1, 2019

Alamat ng Ahas

8:28:00 PM 3 Comments

Unang Bersyon:

Bago pa man gumagapang ang mga ahas ay dati na silang may mga paa. Tulad ng iba pang mga
hayop, ang mga ahas ay may apat na paa na kanilang ginagamit upang makalakad. Sa gubat, tinuruan ng isang guro ang mga magkakaibigang kobra, sawa at dahong palay ng pagtatanggol sa sarili. Ang mga ito ay tinuruan ng guro sapagkat napansin nito na ang mga ahas ay maliliit at palagi silang kinakawawa ng mga mas malalaking hayop.

Matapos ang kanilang pag-aaral, natuto nga ang mga ahas ng kakayahang ipagtanggol ang sarili. Mahigpit na ipinagbilin ng guro sa mga ito na wag gamitin ang natutunang kakayahan sa paghahambog lamang. Ito ay gagamitin lang nila kung kina-kailangan at sa mabuting layunin lamang.

Ngunit dahil sa bagong natutunan, naging mataas ang tingin ng mga ito sa sarili. Saan man sila magpunta ay pinagyayabang nila na itinuro sa kanila ng guro ang kakayahan na ipagtanggol ang sarili maski mas malaki pa ang kalaban.

Isang araw, ang mga ahas ay nagkatuwaan at nagpustahan kung sino sa kanila ang pinakamagaling. Nagpatagisang gilas silang tatlo. Dahil dito, ang lahat ng mga hayop sa gubat ay nagkagulo. Sumakit ang katawan ni Leon ng pilipitin ni kobra. Iika-ika si elepante matapos sipa-sipain ni sawa ang kanyang mga binti. Si matsing naman ay napagod at hinihingal sa katatakbo upang maiwasan ang mga suntok ni dahong palay.

Narinig ng guro ang ginawa ng mga tinuruan niyang ahas. Napa-iling ito at nag-isip kung paano niya tuturuan ng leksiyon ang mga hambog at malilikot na hayop. Matapos mag-isip ay hinanap niya ang mga ahas.

Nang makita ng guro ang mga ahas, ito ay nagdasal. Napatulog niya ang mga ito. Itinali niya at inipit ang mga paa ng malilikot na ahas at pinutol ang mga ito.

Nagising ang tatlo at nakita ang putol nilang mga paa. Nasa tabi nila ang kanilang guro. Pinaunawa ng guro na kaya niya pinutol ang mga paa nito ay dahil sa naging hambog ang mga ito dahil sa panibagong natutunan. Pinagsabihan niya ang mga ahas na simula noon ay wala na silang paa at gagapang na lamang sila para makalakad. Hindi na rin nila magagamit ang kakayahan sa pagtatanggol dahil hindi sila karapat-dapat para dito.

Simula noon ay gumagapang na lang ang mga ahas. Dahil hindi na rin nila magamit ang kakayanan ng pagtatanggol at sa hiyang dinulot ng pagkakaputol ng paa, sila ngayon ay naging mailap sa ibang mga hayop. Nagtatago sila at nag-aantay ng tamang pagkakataon upang umatake sa kanilang biktima.

Pangalawang Bersyon: Saan nanggaling ang Ahas

Sa isang nayon sa katagalugan, may naninirahang isang mag-ina. Ang biyudang si Aling Sima at ang
kanyang anak na si Masung. Bagama’t malaki ang pangangatawan ni Masung ay sobra naman ang kanyang kawalang-hiyaan. Sa halip na makatulong siya sa ina ay pabigat pa siya rito.

“Ano kaba naman, anak. Sana man lang ay linangin mo ang lupang iniwan ng iyong ama. Sayang na lang ang pagpapalaki ko sa iyo. Inubos mo lamang ang pera sa pag-inom ng alak,” ang wika ni Aling Sima.

“Ayan na naman kayo. Pagod ako at huwag ninyong isusumbat sa akin ang ibinibigay ninyong pera sa akin dahil sa tungkulin ninyong bigyan ako ng pera!” ang sagot ni Masung.

Walang nagawa si Aling Sima kundi ang tumahimik. Alam niyang walang patutunguhan ang pag-uusap nilang mag-ina dahil sa maling katuwiran ng anak. Hindi lang ubod ng tamad si Masung, siya ay ubod pa ng takaw. Hirap na hirap na ang kanyang ina sa bukid samantalang siya ay naroon at sarap sa pagtulog. Tamad na nga siya ay basagulero pa.

Isang araw, natutulog ang matanda nang gulantangin ito ng ingay ng pinto. Humahangos si Masung at naghahanap ng gulok dahil may nakaaway siya. Walang nagawa si Aling Sima kundi ang sumigaw at humingi ng tulong sa kanyang mga kapitbahay. Anim na lalaki ang nagtulung-tulong para lamang mapigil sa pakikipag-away si Masung. Marami nang sinaktang tao si Masung kapag ito ay nagwawala kaya’t siya ay kinatatakutan.

Isang araw, wala siyang inabutang pagkain sa bahay. Gutom na gutom pa naman siya. Galit na galit na pinuntahan niya sa silid ang kanyang ina at pabulyaw na nagsabing, “Bakit hindi ninyo ako ipinaghanda ng pagkain?”

“Anak may sakit ako. Wala akong lakas.”

“Kayo may sakit? Arte lang ninyo iyan. Sige bumangon kayo riyan at ipagluto ninyo akong pagkain!”

“Anak, parang awa mo na. Ikaw na muna ang maghanda ng iyong makakain,” ang lumuluhang sabi ni Aling Sima.

“Ako!!! magluluto..ano ako babae!. Hindi maaari, sige bumangon kayo at magluto!” ang bulyaw ni Masung na sabay sipa sa ina.

Sa kawalanghiyaang inasal ng anak ay hindi na nakapagtimpi pa si Aling Sima at nagwika ng, 

“Walang utang na loob, lapastangan na anak, ikaw na ubod ng tapang ay gagapang sa lupa at kailanman ay hindi ka na makakatayo sapagka’t habang buhay kang gagapang. Mananatili ang iyong kabagsikan at lalo kang katatakutan ng mga tao.”

Tinawanan lamang ni Masung ang sinabi ng ina. Lumayas siya at sa paglalakad niya sa bukid ay bigla siyang nalugmok. Hindi niya maitayo ang kanyang mga paa. Naramdaman niyang unti-unting humahaba at pumapayat ang kanyang katawan hanggang sa tuluyang mawala na ang kanyang mga paa’t kamay. Huli na nang magsisi siya.

Samantala, ang kanya palang kaaway ay lihim siyang sinusundan. Nasaksihan niya ang pagbabago sa katawan ni Masung. Nagdatingan pa ang ibang tao. Nakita nila ang mahabang hayop sa lupa na gumagapang sa damuhan. Nang makita niya ang mga tao ay umakma siyang manunuklaw at sa takot ay nagpulasan ng takbo ang mga tao.

Magmula nga noon ay nilayuan na ng mga tao ang damuhang iyon sa takot na matuklaw sila ni Masung – ang taong naging ahas na siyang pinagmulan ng unang ahas.