Showing posts with label pinoy alamat. Show all posts
Showing posts with label pinoy alamat. Show all posts

Monday, July 1, 2019

Alamat ng Ahas

8:28:00 PM 3 Comments

Unang Bersyon:

Bago pa man gumagapang ang mga ahas ay dati na silang may mga paa. Tulad ng iba pang mga
hayop, ang mga ahas ay may apat na paa na kanilang ginagamit upang makalakad. Sa gubat, tinuruan ng isang guro ang mga magkakaibigang kobra, sawa at dahong palay ng pagtatanggol sa sarili. Ang mga ito ay tinuruan ng guro sapagkat napansin nito na ang mga ahas ay maliliit at palagi silang kinakawawa ng mga mas malalaking hayop.

Matapos ang kanilang pag-aaral, natuto nga ang mga ahas ng kakayahang ipagtanggol ang sarili. Mahigpit na ipinagbilin ng guro sa mga ito na wag gamitin ang natutunang kakayahan sa paghahambog lamang. Ito ay gagamitin lang nila kung kina-kailangan at sa mabuting layunin lamang.

Ngunit dahil sa bagong natutunan, naging mataas ang tingin ng mga ito sa sarili. Saan man sila magpunta ay pinagyayabang nila na itinuro sa kanila ng guro ang kakayahan na ipagtanggol ang sarili maski mas malaki pa ang kalaban.

Isang araw, ang mga ahas ay nagkatuwaan at nagpustahan kung sino sa kanila ang pinakamagaling. Nagpatagisang gilas silang tatlo. Dahil dito, ang lahat ng mga hayop sa gubat ay nagkagulo. Sumakit ang katawan ni Leon ng pilipitin ni kobra. Iika-ika si elepante matapos sipa-sipain ni sawa ang kanyang mga binti. Si matsing naman ay napagod at hinihingal sa katatakbo upang maiwasan ang mga suntok ni dahong palay.

Narinig ng guro ang ginawa ng mga tinuruan niyang ahas. Napa-iling ito at nag-isip kung paano niya tuturuan ng leksiyon ang mga hambog at malilikot na hayop. Matapos mag-isip ay hinanap niya ang mga ahas.

Nang makita ng guro ang mga ahas, ito ay nagdasal. Napatulog niya ang mga ito. Itinali niya at inipit ang mga paa ng malilikot na ahas at pinutol ang mga ito.

Nagising ang tatlo at nakita ang putol nilang mga paa. Nasa tabi nila ang kanilang guro. Pinaunawa ng guro na kaya niya pinutol ang mga paa nito ay dahil sa naging hambog ang mga ito dahil sa panibagong natutunan. Pinagsabihan niya ang mga ahas na simula noon ay wala na silang paa at gagapang na lamang sila para makalakad. Hindi na rin nila magagamit ang kakayahan sa pagtatanggol dahil hindi sila karapat-dapat para dito.

Simula noon ay gumagapang na lang ang mga ahas. Dahil hindi na rin nila magamit ang kakayanan ng pagtatanggol at sa hiyang dinulot ng pagkakaputol ng paa, sila ngayon ay naging mailap sa ibang mga hayop. Nagtatago sila at nag-aantay ng tamang pagkakataon upang umatake sa kanilang biktima.

Pangalawang Bersyon: Saan nanggaling ang Ahas

Sa isang nayon sa katagalugan, may naninirahang isang mag-ina. Ang biyudang si Aling Sima at ang
kanyang anak na si Masung. Bagama’t malaki ang pangangatawan ni Masung ay sobra naman ang kanyang kawalang-hiyaan. Sa halip na makatulong siya sa ina ay pabigat pa siya rito.

“Ano kaba naman, anak. Sana man lang ay linangin mo ang lupang iniwan ng iyong ama. Sayang na lang ang pagpapalaki ko sa iyo. Inubos mo lamang ang pera sa pag-inom ng alak,” ang wika ni Aling Sima.

“Ayan na naman kayo. Pagod ako at huwag ninyong isusumbat sa akin ang ibinibigay ninyong pera sa akin dahil sa tungkulin ninyong bigyan ako ng pera!” ang sagot ni Masung.

Walang nagawa si Aling Sima kundi ang tumahimik. Alam niyang walang patutunguhan ang pag-uusap nilang mag-ina dahil sa maling katuwiran ng anak. Hindi lang ubod ng tamad si Masung, siya ay ubod pa ng takaw. Hirap na hirap na ang kanyang ina sa bukid samantalang siya ay naroon at sarap sa pagtulog. Tamad na nga siya ay basagulero pa.

Isang araw, natutulog ang matanda nang gulantangin ito ng ingay ng pinto. Humahangos si Masung at naghahanap ng gulok dahil may nakaaway siya. Walang nagawa si Aling Sima kundi ang sumigaw at humingi ng tulong sa kanyang mga kapitbahay. Anim na lalaki ang nagtulung-tulong para lamang mapigil sa pakikipag-away si Masung. Marami nang sinaktang tao si Masung kapag ito ay nagwawala kaya’t siya ay kinatatakutan.

Isang araw, wala siyang inabutang pagkain sa bahay. Gutom na gutom pa naman siya. Galit na galit na pinuntahan niya sa silid ang kanyang ina at pabulyaw na nagsabing, “Bakit hindi ninyo ako ipinaghanda ng pagkain?”

“Anak may sakit ako. Wala akong lakas.”

“Kayo may sakit? Arte lang ninyo iyan. Sige bumangon kayo riyan at ipagluto ninyo akong pagkain!”

“Anak, parang awa mo na. Ikaw na muna ang maghanda ng iyong makakain,” ang lumuluhang sabi ni Aling Sima.

“Ako!!! magluluto..ano ako babae!. Hindi maaari, sige bumangon kayo at magluto!” ang bulyaw ni Masung na sabay sipa sa ina.

Sa kawalanghiyaang inasal ng anak ay hindi na nakapagtimpi pa si Aling Sima at nagwika ng, 

“Walang utang na loob, lapastangan na anak, ikaw na ubod ng tapang ay gagapang sa lupa at kailanman ay hindi ka na makakatayo sapagka’t habang buhay kang gagapang. Mananatili ang iyong kabagsikan at lalo kang katatakutan ng mga tao.”

Tinawanan lamang ni Masung ang sinabi ng ina. Lumayas siya at sa paglalakad niya sa bukid ay bigla siyang nalugmok. Hindi niya maitayo ang kanyang mga paa. Naramdaman niyang unti-unting humahaba at pumapayat ang kanyang katawan hanggang sa tuluyang mawala na ang kanyang mga paa’t kamay. Huli na nang magsisi siya.

Samantala, ang kanya palang kaaway ay lihim siyang sinusundan. Nasaksihan niya ang pagbabago sa katawan ni Masung. Nagdatingan pa ang ibang tao. Nakita nila ang mahabang hayop sa lupa na gumagapang sa damuhan. Nang makita niya ang mga tao ay umakma siyang manunuklaw at sa takot ay nagpulasan ng takbo ang mga tao.

Magmula nga noon ay nilayuan na ng mga tao ang damuhang iyon sa takot na matuklaw sila ni Masung – ang taong naging ahas na siyang pinagmulan ng unang ahas.

Saturday, June 29, 2019

Alamat ng Sampaguita

3:04:00 PM 7 Comments
Sa isang malayong bayan sa Norte ay may isang napakagandang dalaga na Liwayway ang pangalan.

Ang kagandahan ni Liwayway ay nakarating hanggang sa malalayong bayan. Hindi naging kataka-taka kung bakit napakarami ng kanyang naging mga manliligaw.

Mula sa hilaga ay isang grupo ng mga mangangaso ang nagawi sa lugar nina Liwayway. Sa kasamaang palad, si Tanggol, isa sa mga ito ay inatake ng baboy-ramo. Ang binata ay dinala sa ama ni Liwayway para mabigyan ng pangunang lunas. Iyon ang naging daan ng paglakalapit nila.

Umibig sina Liwayway at Tanggol sa isa’t-isa sa maikling panahon ng pagkikilala.

Nang gumaling si Tanggol ito ay nagpaalam kay Liwayway at sa mga magulang niya. Anang binata ay susunduin ang ama’t ina upang pormal na hingin ang kamay ng dalaga.

Puno ng pangarap si Liwayway nang ihatid ng tanaw si Tanggol.

Subalit dagling naglaho ang pag-asa ni Liwayway na babalik si Tanggol tulad ng pangako. Ilang pagsikat na ng buwan mula nang umalis ito ngunit ni balita ay wala siyang natanggap.

Isang dating manliligaw ang nakaisip siraan si Tanggol. Ikinalat nito ang balita na hindi na babalik si Tanggol dahil may asawa na ito.

Tinalo ng lungkot, pangungulila, sama ng loob at panibugho ang puso ni Liwayway. Nagkasakit siya. Palibhasa ay sarili lang ang makagagamot sa karamdaman kung kaya ilang linggo lang ay naglubha ang dalaga at namatay.

Bago namatay ay wala siyang nausal kundi ang mga salitang,

“Isinusumpa kita! Sumpa kita…”

Ang mga salitang “Isinusumpa kita! Sumpa kita…” ang tanging naiwan ni Lwayway kay Tanggol.

Ilang araw makaraang mailibing si Liwayway ay dumating si Tanggol kasama ang mga magulang. Anito ay hindi agad nakabalik dahil nagkasakit ang ina. Hindi matanggap ng binata na wala na ang babaing pinakamamahal.

Sa sobrang paghihinagpis, araw-araw ay halos madilig ng luha ni Tanggol ang puntod ni Liwayway. Hindi na rin siya bumalik sa sariling bayan upang mabantayan ang puntod ng kasintahan.

Isang araw ay may napansin si Tanggol sa ibabaw ng puntod ni Liwayway. May tumubong halaman doon, halaman na patuloy na dinilig ng kanyang mga luha. Nang mamulaklak ang halaman ay may samyo iyon na ubod ng bango. Tinawag iyong ‘sumpa kita’, ang mga huling salitang binigkas ni Liwayway bago namatay. Ang ‘sumpa kita’ ay ang pinagmulan ng salitang ‘sampaguita’.


Kwento ni: Segundo D. Matias Jr.

Tuesday, June 4, 2019

Alamat Ng Rosas

5:26:00 PM 2 Comments
Noong unang panahon ay may isang magandang dalaga mula sa malayong bayan ng Tarlac na Rosa
ang pangalan.

Bukod sa angking kaganda ay nakilala rin si Rosa na gagawin ang lahat para mapatunayan ang tunay na pag-ibig.

Ayon sa kwento nakatakda nang ikasal si Rosa kay Mario nang matuklsang may malubhang sakit ang lalaki. Sa kabila ng lahat ay pinili ng dalaga na pakasal sila para mapaglingkuran ang lalaki hanggang sa mga huling sandali ng buhay nito.

Gayunman ay hindi pumayag si Mario. Anang binata ay sapat na sa kanya na baunin ang pag-ibig ng dala sa kabilang buhay.

Pinaglingkuran ni Rosa si Mario. Hindi siya umalis sa tabi nito. Ang ngiti niya ang nasisilayan ni Mario sa pagmulat ng mata at ang kanya ring mga ngiti ang baon nito sa pagtulog.
Ang mga ngiti rin ni Rosa ang huling bagay na nasilayan ni Mario bago panawan ng hininga.

Ang mga ngiti ni Rosa ay hindi napawi kahit nang ilibing si Mario at kahit nang dinadalaw ang puntod nito at pinagyayaman. Nang tanungin kung bakit hindi nawala ang ngiti sa mga labi ay ito ang sabi niya.

"Alam kong nasaan man si Mario ay ako lang ang babaing kanyang minahal. At alam ko rin na maghihintay siya sa akin para magkasama kami na hindi na maghihiwalay pa."

Naging inspirasyon ng iba ang ipinakitang lalim ng katapatan at pagmamahal ni Rosa sa katipan.
Bago namatay ay hiniling ni Rosa na sa tabi ng puntod ni Mario siya ilibing.

Kakatwang may tumubong halaman sa kanyang puntod at kayganda ng naging mga bulaklak.
Tinawag nilang rosas ang mga iyon bilang alaala ng isang dalagang simbolo ng tunay ng pag-ibig.

Tuesday, June 12, 2018

Alamat ng Mindanao

12:53:00 PM 0 Comments
Mayroon isang sultan sa isang pulo na kilala hindi lamang dahil siya ay isang dugong
bughaw, kundi dahil rin sa kanyang katangian.

Di lamang siya mayaman, si Sultan Gutang ay matapang, magandang lalaki at may matipunong pangangatawan. Mayroon siyang natatanging anak na may nakakaakit na kagandahan. Saan ka man maparoon, usap-usapan ang kagandahang niyang taglay. Prinsesa Minda ang ngalan niya.

Dahil sa tanyag na kagandahan ni Minda, maraming tagahanga ito saan dako ng karatig pook. Marami ang nanliligaw: mga mayayaman, matalino, at may dugo ring maharlika. Dahil nga sa dami ng masugid na tagahanga nito, walang tulak siyangkabigin. Kaya minarapat ni Sultan Gutang na magkaroon ng isang pagsubok upang malaman kung sino ang higit na mapalad at karapat-dapat sa kanyang anak na si Prinsesa Minda.

Nangyari nga ang ibig ng sultan. Marami ang sumubok sa layuning makuha ang kamay ni Minda. Halos lahat ng sumubok at nagwagi sa una at ikalawang pagsubok, ngunit nabigo sa ikatlo. Ngunit may isang prinsipe ang nagaasm-asam na sumubok sa mga patakaran ng nasabing sultan. Ngunit, bago siya sumali sa palahok, matinding pag-iisip ang kanyang ginugol.

Dahil sa una ay sigurado siyang magtatagumpay, ang ikalawa ay sigurado siyang mabibigo. Kaya’t muling nag-iisip . Napagpasyahan niyang humiram ng mga kaing-kaing na ang mga ginto mula sa kanyang mga kaibigang mayayaman at prinsipe upang makabuo ng labintatlong tiklis ng ginto. Dahil ang ikalawang pagsubok ay kung paano mahihigitan ang kayamanan ng sultan.

Lalong nabuhayan ng loob ang prinsipe sa mga pagkakataon na kapag nagkakatinginan sila ng prinsesa ay para na rin siyang humahanga sa kanya. Dahil di kaila ang kagandahang lalaki ng prinsipe at kakisigan. Nabatid ng prinsipe na may pagtingin din ang prinsesa.

Sinimulan sa ang unang pagsubok kay Prinsipe Lanao sa pagsasalaysay niya sa kanyang mga ninuno mula sa umpisa hanggang sa sampung henerasyon. Higit ang tuwa niya ng makapasa sa unang pagsubok sa dahilang hindi totoo ang ika-sampung henerasyon dahil ito ay may halong imbento lamang.

Agad sumunod ang ikalawang pagsubok. Tinanong ng sultan kung gaano karami ang kanyang dalang ginto. Agad siyang sumagot na labintatlong kaing. Walang duda ang tagumpay ni Prinsipe Lanao sa ikalawang pagsubok dahil may pito lamang tiklis nag into mayroon ang sultan.

Ang huling pagsubok ay agad din pinabatid sa Prinsipe kung ano ang dapat na sumunod niyang gagawin para ganap nang mapasakamay ang mayuming si Prinsesa Minda. Pagtulay sa lubid ang ikatlong pagsubok. Pagtulay sa lubid na kapag ikaw ay nahulog sa isang malalim na bangin ay sigurado ang iyong kamatayan .

Pinagpabukas pa ang huling pagsubok upang makapagpahinga ang binata. Subali’t lingid sa kaalaman ng binata na kaya pala ipinagpabukas pa ay upang mapaghandaan din ng Sultan ang gagawing patibong upang ang prinsipe ay hindi magtagumpay. Kaagad na lumisan si Prinsipe Lanao upang makapagpahinga at mapag-aralan ang kanyang plano para sa darating na pagsubok kinabukasan.

Subali’t si Prinsesa Minda ay may nabalitaan na may patibong na ilalagay ang mga tauhan ng sultan upang mahulog ang prinsipe. Agad na pinasiyasat ni Prinsesa Minda kung ano ang ilalagay na patibong. Napag-alaman ng katulong na kakabitan ng tali ang lubid na tatawiran ng pinsipe na siyang magiging dahilan ng pag-uga ng lubid na magiging dahilan ng pagkahulog ng prinsipe.

Dahil sa nabatid na patibong, kaagad na tinanggal ng mga katulong ang patibong upang walang maging balakid sa pagtawid ng butihing prinsipe. Pagdating kinaumagahan ay naganap ang pagsubok na siya namang pinagtagumpayan ng Prinsipe. Walang nagawa ang Sultan kundi tuparin ang pangakong kasalan.

Nang mamana ng Prinsipe, ang pamamahala ng lugar, marami ang nasiyahan sa pamamalakad ng mag-asawa sa pulo at mula noon pinangalanan ang isla ng Mindanao na hango sa pangalang Minda at Lanao.

Thursday, May 24, 2018

Ang Alamat ni Bernardo Carpio

3:30:00 PM 2 Comments
Nuong panahon nang ang Pilipinas ay nasasakop pa ng mga Kastila ay mayruong mag-asawang naninirahan sa paanan ng bundok ng San Mateo, Rizal. Ang mag-asawa ay mahirap lang subali’t sila ay mabait, masipag, matulungin, at makadiyos. Sa mahabang panahon nang kanilang pagsasama ay hindi sila agad nagkaanak. Ganun pa man sila ay masaya sa kanilang buhay at matulungin sa kapwa lalu na tulad nilang naghihirap, at sa mga may sakit. Ang mga bata sa kanilang pook ay inaaruga nilang parang mga tunay na anak habang patuloy silang umaasa na balang araw ay magkakaruon din sila ng sariling anak.

Dahil sa kanilang ipinamalas na kabutihan, pagtitiis, at pananalig ay kinaawaan din sila ni Bathala at dininig ang kanilang panalangin na magkaruon ng sariling anak. Sa wakas ay biniyayaan sila ng isang malusog na sanggol na lalaki. Bukod duon, biniyayaan din ni Bathala ang sanggol ng pambihirang lakas at kisig simbolo ng lakas ng pananalig at kagandahang loob na ipinamalas ng kanyang mga magulang.

Maliit pa lang ay kinakitaan na si Bernardo ng pambihirang lakas at kisig. Ilang linggo pa lang mula nang siya’y ipinapanganak ay nagagawa na niyang dumapa at gumapang mag-isa kaya minsan ay muntik na siyang mahulog sa hagdanan ng kanilang munting kubo kundi naagapan ng isang kastilang pari na nuon ay dumadalaw sa kanilang pook upang magturo ng Kristiyanismo.

Sa suhestiyon ng kastilang pari na humanga sa lakas at kisig ng sanggol, siya ay pinangalanang Bernardo Carpio ng kanyang mga magulang. Hinango ang kanyang pangalan kay Bernardo de Carpio, isang matapang, bantog, makisig, at maalamat na mandirigma sa bansang Espanya.

Tuesday, March 20, 2018

Ang Alamat ng Saging

10:46:00 PM 20 Comments
Noong unang panahon, isang magandang babae ang nakakilala ng isang kakaibang lalaki. Ito ay isang engkanto. Masarap mangusap ang lalaki at maraming kuwento. Nabihag ang babae sa engkanto. Ipinagtapat naman ng engkanto na buhat siya sa lupain ng mga pangarap, at hindi sila maaaring magkasama. Gayunman, umibig ang babae sa lalaki.



Isang araw, nagpaalam ang binata. Sinabi niyang iyon na ang huling pagkikita nila. Nang magpaalam ang engkanto, hindi nakatiis ang babae. Ayaw niyang paalisin ang lalaki. Maghigpit niyang hinawakan ang kamay ng lalaki para huwag itong makaalis. Pero nawala ang lalaki, at sa matinding pagkabigla ng babae, naiwan sa kanya ang kamay nito. Nahintakutan ang babae. Dali-dali niyang ang kamay sa isang bahagi ng bakuran.



Kinaumagahan, dinalaw niya ang pook na pinagbaunan ng kamay. Napansin niyang isang halaman ang tumutubo. Makaraan ang ilang buwan, tumaas ang puno na may malalapad na dahon. Nagkabunga rin ito na may bulaklak na itsurang daliri ng mga kamay. Ito ang tinatawag na saging ngayon.

Friday, July 1, 2016

ALAMAT NG MANGGA

4:57:00 PM 19 Comments
Kaisa-isang anak nina Aling Maria at Mang Juan si Ben. Mabait at matulungin si Ben. Nagmana siya sa kanyang mga magulang na mababait din naman. Isang araw, isang matandang pulubi ang kinaawaan ni Ben. Inuwi niya ang pulubi sa bahay, ipinagluto at pinakain. Isang araw naman, samantalang nangangahoy, isang matandang gutom na gutom ang nasalubong niya. Pinakain din niya ito at binigyan ng damit.

Makaraan ang ilang panahon, nagkasakit si Ben. Sa kabila ng pagsisikap ng mag-asawa na pagalingin ang anak, lumubha ito at namatay pagkatapos. Ganoon na lamang ang iyak ng mag-asawa. Kinabukasan, habang nakaburol ang kanilang anak, dumating ang isang diwata. Hiningi nito ang puso ni Ben, Ibinaon ng diwata ang puso sa isang bundok. Ito ay naging punongkahoy na may bungang hugis-puso. Marami ang nakikinabang ngayon sa bungang ito.