Showing posts with label kwentong pinoy. Show all posts
Showing posts with label kwentong pinoy. Show all posts

Sunday, July 7, 2019

Alamat ng Buwaya

2:21:00 AM 4 Comments
Noong unang panahon ay may isang babaeng nabubuhay na wala nang ginawa kundi ang kumain
nang kumain at likumin ang kayamanan ng mga tao. Inuubos niya ang mga ani, salapi at ginto ng mga tao sa bawat nayong kanyang pinupuntahan. Nagagawa niya iyon sa pamamagitan ng pagbabalatkayo bilang isang pulubi. Pagkatapos niyon ay tuwang-tuwang iiwan niya ang lugar. At bago pa may makatuklas sa ginawa niya ay huli na ang lahat. Naghihirap at nagkakasakit na ang mga tao.

Isang nayon na lamang ang hindi pa niya napupuntahan. Matatagpuan iyon sa kabilang bundok. Tahimik na nagtungo siya roon dala ang saku-sakong kayamanang nalikom niya sa mga nayong napuntahan na niya.

Sa gubat na malapit sa isang lawa ay nagtayo siya ng kubo. Doon niya iniba ang kanyang anyo : pinalitan niya ang kanyang damit, nagsuot siya ng peluka at dinungisan niya ang katawan para magmukha siyang pulubi. Nag-iba rin siya ng pangalan. "Aling Aya" ang pakilala niya sa mga tagaroon.

Tuwing umaga ay naglalagi siya sa harap ng simbahan upang mamalimos. Umiiyak siya upang maawa sa kanya ang mga tao. "Maawa na po kayo...Tatlong araw na po akong hindi kumakain..."

Dala ng awa, lahat ng napapadaan sa simbahan ay nagbibigay ng limos kay Aya.

Pagsikat ng araw, muling lalabas at mamamalimos si Aya. Nagtutungo siya sa mga kabahayan upang humingi ng pagkain, pera at kung anu-ano pa. Sa husay niya sa paghikayat at sa pag-iyak, napapaniwala niya ang lahat na siya ay isang pulubi.

Sari-saring kuwento ang hinahabi niya para makuha ang mga kayamanan ng mga taganayon: "Maawa ka na. Isa sa aking mga anak ang malubha ang sakit. Kailangan ko ng gamot.." sabi niya sa isa. "Hindi pa ako kumakain, ineng. Baka puwedeng bigyan mo ako ng kinakain mo kahit kaunti lang?" pagmamakaawa naman niya sa isa. "Hinipan ng nakaraang bagyo ang aking nag-iisang kubo. Palabuy-laboy ako at wala na akong matirhan," kuwento niya sa isa pa. Tumutulo ang kanyang huwad na luha.

Pati si Manong Kuwago na kanyang nadaanan isang gabi sa itaas ng puno sa plaza ay kanyang hiningan ng limos. Muli, bumuhos ang luha niya sa harap ng ibon para maawa ito sa kanya.

"Manong Kuwago, maawa ka sa isang kagaya kong nauubusan na ng lakas..."

Kahit gutom si Manong Kuwago ay nagawa nitong ibigay ang isdang tangan nito. "Maghahanap na lang ako ng mahahapunan. May pakpak ako at kaya kong maghanap pa ng makakain." Pagkabigay nito ng kakainin na lamang na isda ay lumipad na ito. Napangisi si Aya. Nakaloko na naman ako, sabi niya sa isip.

Nang gabi ring iyon, habang kumakain ng bayabas si Manong Kuwago sa itaas ng isang puno sa gubat ay namataan niya si Aya na naglalakad na nang tuwid ang babaeng "pulubi." Isa-isang tinatanggal nito ang gula-gulanit na damit, ang dumi sa mukha at ang peluka. Sinundan niya si Aya patungo sa kubo nito. Doon niya natuklasan ang lihim nito. Nakita niya ang tunay na anyo nito, pati na ang kaban-kabang pera at kayamanang nalikom nito. Nakangisi ito habang kinakausap nito ang sarili.

"Mapapasaakin ang lahat ng kayamanan nila. Mga hangal sila. Napakahusay ko talaga. 'Pag naubos ko na lahat ang kanilang kayamanan, lalayas ako sa lugar na ito at magbubuhay-reyna."

Kinaumagan, mabilis na ibinalita ni Manong Kuwago ang kanyang nakita sa mga taganayon.

"Maniwala kayo sa akin. Huwag ninyong hintaying maubos ang kayamanan ng bayang ito dahil sa masamang ugali ni Aya."

Pero iniwan lang siya ng mga tao. Ni isa ay walang naniwala sa kanya.

Hanggang sa magsimulang maubos ang mga pera, ginto at pagkain ng mga taganayon. Ang ilan sa mga bata ay nagkasakit dahil sa kakulangan sa pagkain at pera.

Awang-awa si Manong Kuwago sa kanyang nakikita.

Isang araw, habang patuloy sa pamamalimos si Aya sa plaza, dumating si Manong Kuwago.

"Patutunayan ko sa inyong isang huwad si Aya! Na hindi siya pulubi at nagbabalatkayo lamang!" 

Lumipad siya at tinanggal ang peluka ni Aya. Pinagtatanggal niya ang gula-gulanit na damit nito. Tumambad ang mga alahas na nakasabit sa katawan nito. Pinagpapagpag niya ng kanyang pakpak ang mga dumi sa mukha nito hanggang sa lumitaw ang tunay na anyo nito.

Walang nagawa si Aya.

Nagulat ang lahat. "Sino ka?! Sino ka?!" sigaw ng isang taganayon.

"Uubusin niya ang kayamanan natin, pagkatapos ay aalis siya. Ganyang din ang ginawa niya sa mga karatig-nayon!"

Nagawang tumakbo ni Aya bago pa siya malapitan ng mga tao. Hanggang marating niya ang kanyang
kubo. Dagling kinuha niya ang saku-sakong kayamanan at mabilis na nilisan ang kubo.

Nilusong ni Aya ang lawa. Nang makarating siya sa gitna at nakita niyang napapaligiran siya ng mga tao, isinubo niya sa isa-isa ang laman ng mga sako: ang mga pagkain, pera, ginto at kung anu-ano pa. Hanggang sa lumaki nang lumaki ang bibig niya at nabundat siya. Ngunit wala siyang pakialam dahil sadyang sakim siya.

Unti-unti ay lumubog ang kanyang katawan. Walang nagawa ang mga tao kundi ang mamangha sa ginawa niya. Dahil sa bigat niya, nilamon siya ng lawa. Bumula ang tubig hanggang sa magtining iyon.

Nagulat ang mga tao nang ilang sandali lamang ay isang buntot na malaki na may napakakapal na balat ang lumitaw sa lawa at bigla ring lumubog. Nagtakbuhan ang mga tao sa takot.

Mula noon, muling nanumbalik ang katahimikan sa nayon. Pero hindi na dumayo ang mga tao sa lawang iyon. May nagsasabing may isang hayop na nagpapakita sa lawa-dambuhala, malaki ang bibig at may matutulis at matatalim na ngipin. Magaspang ang balat niyon, may mahabang buntot at mistulang sa halimaw ang anyo. Minsan daw ay gumagapang iyon sa pampang. Kaya takot na ang mga taong magawi sa lawang iyon na tinawag ng mga taganayong "Lawa ni Aya."

Lumipas ang maraming taon, nagpasalin-salin sa mga bibig ng mga tao ang kuwento ni Aya: "Si Aya sa Lawa." Kinalaunan, umikli na lamang iyon at naging "buwaya."


Kaya sa susunod na makakita kayo ng buwaya, huwag kayong maniwala sa kanyang mga luha. Sadya lamang lumuluha iyon pero walang lungkot na nararamdaman. Higit sa lahat, huwag lalapitan iyon dahil ang buwaya ay isang mabangis na hayop.

Thursday, June 6, 2019

Alamat ng Mais

1:14:00 PM 0 Comments
Noong unang panahon, may isang mag-asawa na ang ikinabubuhay ay ang pagtatanim ng mga gulay. Ito ay kanilang binebenta at kung minsan ay kanila na ring kinakain.

Ang mag-asawa ay biniyayaan ng isang magandang anak na babae. Tinawag nila itong Maita. Ang bata ay may maganda, madulas at malambot na buhok. Kapag nasisinagan ng araw, ang buhok ni Maita ay naninilaw na parang ginto. Mahilig ang bata na mag-ayos sa sarili. Upang mapanatili nitong maganda at malambot ang buhok ay halos minu-minuto nitong sinusuklay at inaayos ang buhok.

Kadalasan pinagsasabihan si Maita ng kanyang ama na itigil ang sobrang pagsusuklay at tumulong naman sa gawaing bahay. Ngunit natutuwa ang kanyang ina sa pagiging maayos nito sa sarili kaya’t hinahayaan lang niya ito. Bata pa naman daw si Maita; magsasawa din ito sa kanyang buhok at balang araw tutulong din daw siya sa mga gawaing bahay.

Subalit, nagkamali ang kanyang nanay. Sa halip mas lalo pang tumindi ang paghanga nito sa sarili at sa kanyang buhok. Kung noon ay minuto lang ang ginugugol nito sa pagsusuklay at pag-aayos ng buhok, ngayon ay inaabot siya ng ilang oras kung minsan pa nga ay buong araw.

Isang araw, nagkasakit ang kanyang ama. Kinailangan ng kanyang ina na magbenta ng kanilang pananim na gulay upang sa ganoon ay meron silang pambili ng makakain at ng gamot para sa ama.

Mahigpit na pinagbilinan ng kanyang ina si Maita na gawin ang mga gawaing bahay. Ipinagbilin niyang mag-luto siya ng makakain at siguradong gabi na ito makakauwi mula sa bayan. Bantayan daw siya ang kanyang ama at pakainin na rin ito upang lumukas. Pinaalala din niyang huwag kalimutang diligan ang kanilang mga tanim na gulay sapagkat tigang ang lupa sa kanilang bakuran. Nayayamot na pumayag ang bata. Siya na raw ang bahala sa kanyang ama at sa kanilang bahay.

Uumpisahan na sanang gawin ni Maita ang mga pinag-uutos ng kanyang ina nang siya ay mapadaan sa kanilang salamin at masulyapan ang kanyang buhok. Napatigil ito at kinuha ang kanyang suklay. Naisip ng bata na maaga pa. Mag-aayos daw muna siya ng kanyang buhok. Nagsuklay nga ng nagsuklay si Maita. Nawili ito at hindi napansin ang mga nagdaang oras. Maging ang mahinang pagtawag ng kanyang ama na humihingi ng makakain ay hindi narinig ng bata. Abala ito sa pag-aayos ng kanyang magandang buhok.

Lumubog na ang araw at dumating na ang ina ni Maita. Nagtataka ito ng makita ang kanilang mga pananim na gulay na natuyo dahil sa hindi nadiligan buong mag-hapon. Hinanap nito si Maita at nakita nga niya ang anak na abalang nagsusuklay sa harap ng salamin.

Pinagalitan si Maita ng kanyang ina dahil sa wala man lang itong nagawa sa mga pinagbilin sa kanya. Maging ang pakainin ang may sakit na ama ay hindi nagawa ni Maita. Mariing wika ng matanda sa bata na sana ay numipis na lang ang kanyang buhok upang sa ganoon ay hindi na niya ito pag-aaksayahan ng panahong suklayin. Bukas na bukas din ay ipapaputol na raw ng matanda ang buhok ni Maita. Umiiyak na tumakbo palabas ang bata. Ngunit hindi na ito sinundan ng ina, nagpunta ito sa kusina upang ipagluto ang asawang nanghina lalo sa gutom.

Nang mahimasmasan sa galit ang ina ni Maita ay hinanap niya ang bata sa bakuran ngunit hindi niya ito nakita. Ipinagtanong din niya ito sa mga kapitbahay ngunit walang nakakita sa bata. Matagal na hinanap ng ina si Maita subalit walang may alam kung nasaan ang bata.

 Isang umaga nang nagwawalis sa may bakuran ang ina ay may nakita itong bagong halaman na umusbong. Ito ay may mahahabang dahon. Diniligan ito ng matanda. Makalipas ang ilang lingo ay nagkabunga ang halaman. Nang pitasin at balatan ang bunga, nakita ng mag-asawa na ito may butil-butil na kulay dilaw. Ang bunga ay may mga maninipis ding ginituang buhok na ubod ng dulas at ganda. Naluha ang mag-asawa ng makita ang magandang buhok. Naalala nila ang buhok ng anak nilang si Maita na ganoon na ganoon ding madulas at maganda.

Naisip nilang parehas na marahil ito na nga ang nawawalang anak. Simula noon, tinawag nilang mais ang halaman.

Tuesday, April 30, 2019

Alamat Ng Durian

12:34:00 PM 0 Comments
Sa isang bayan sa Mindanao ay may matandang babae na lalong kilala sa tawag na Tandang During.
Nakatira siya sa paanan ng bundok. Ang maliit niyang kubo ay nakatayo sa gitna ng malawak niyang bakuran na naliligid ng mga puno.

Si Tandang During ay karaniwan nang ginagawang katatakutan ng mga ina sa kanilang malilikot na mga anak. Sabi nila ay lahi ito ng mangkukulam kung kaya dapat iwasan.

Si Tandang During ay nasanay nang mamuhay na nag-iisa. Mula nang mamatay ang asawa at mga anak ay hindi na siya umalis sa paanan ng bundok. Tahimik siyang tao at dahil matanda na ay mas ibig pa niyang asikasuhin na lang ang mga tanim na halaman.

Masungit si Tandang During kaya iniiwasan ng mga tao. Noong kamamatay palang ng mga mahal niya sa buhay ay marami ang nag-alok ng tulong ngunit tinanggihan niya. Sa gayon ay unti-unti na ring lumayo sa kanya ang mga tao hanggang maging panakot na lamang siya sa makukulit na mga bata.

Ilang taon ang nagdaan. Ang dati ay makukulit na mga bata ay malalaki na ngunit si Tandang During ay gayon parin. Nag-iisa sa kubo sa paanan ng bundok at hindi naki-salamuha sa mga tao.

Isang gabi ay itinaboy ng hanging amihan ang isang kakaibang amoy sa komunidad. Hindi nila alam kung ano ang amoy na iyon at kung saan galing. Nanatili ang amoy nang sumunod pang mga araw at patindi nang patindi. Nagpasya ang mga tao na hanapin ang pinanggalingan ng amoy.

Nagkaisa silang puntahan ang kubo ni Tandang During nang ma tiyak na doon nanggagaling ang amoy. Hinanap nila ang matanda ngunit hindi nila ito nakita. Sa halip ay nabaling ang pansin ila sa isang puno na ang mga bunga ay may matitigas na balat at matatalim na tinik. Dahil sobrang hinog ay nagsisimula nang bumuka ang mga prutas. Isang lalaki ang umakyat ng puno para kumuha ng bunga. Nagtakip sila ng ilong nang buksan ang prutas pero pare-pareho ring nasarapan sa lasa ng prutas na iyon. Nagsipitas sila ng mga bunga at iniuwi sa kani-kanilang bahay.

Nang may makasalubong silang isang matanda na taga-ibang lugar at itinanong kung ano ang dala nilang prutas ay iisa ang sagot nila. "Bunga ng tanim ni Tandang During 'yan", sabi nila.

During yan ang pagkakaintindi sa kanila ng matanda. Kaya nang bigyan nila ito ng bunga at itanong ng mga kakilala kung ano iyon ay sinabi nitong ang pangalan ng prutas ay during yan. Kalaunan ay nagiging durian.

Friday, February 8, 2019

Alamat ng Langaw

6:06:00 PM 0 Comments
Noong araw ay may isang mag-asawa na labis na kinaiinisan ng mga kakilala. Paano ay parehong tamad ang mga ito. Ayaw nilang magtra-baho at kuntento nang umasa sa mababait nilang mga kapitbahay para makatawid sa gutom.

Bukod sa pagiging palaasa sa ikabubuhay ay may pangit pang ugali ang dalawa. Naging gawain na nila na kapag may handaan ay dumadalo sila kahit hindi imbitado. Ang nakaiinis pa ay lagi silang nau-una sa pagkuha ng pagkain kaysa mga inimbitahang panauhin.

Saan man makakita ng pagkain ang mag-asawa ay tiyak na tutunga-nga sila sa harap niyon hanggang sila nabibigyan. Kapag nakakita naman sila ng mga pagkaing naka-bilad tulad ng daing o isdang tinutuyo ay tiyak na kukuha sila kapag nalingat ang may-ari.

Napakalakas ng pang-amoy ng dalawa pagdating sa pagkain. Tila sila ay may makapangyarihang pang-amoy na kung saan may pagkain ay natutunton nila.
Isang araw ay napansin ng mag-asawa na nakabihis nang maayos ang kanilang mga kapitbahay. Lahat ay tila pahangos na papunta sa isang lugar.

Nagka-ideya sila na marahil ay sa isang malaking handaan patungo ang mga ito.

Palihim na sumunod ang dalawa sa mga kapitbahay. Gayon na lang ang kanilang tuwa nang makitang handaan nga ang kanilang pinuntahan.

Gumawa ng paraan ang dalawa para makapasok sa bahay kahit hindi imbitado. 

Napakaraming handang pagkain kaya nagpakasawa sila.

Nang inaakala nilang wala nang kakain at nakalingat ang may-ari ng handaan, nagtungo sila sa mesang kainan at nagsimulang magbalot ng mga pagkain para iuwi. Nagkataong napalingon ang may-ari ng handaan at kitang-kita ang ginawa ng dalawa.

 Sa galit ng may-ari ay isinumpa ang mag-asawa. Sinabi nito na hindi na sila makapagdadala ng anumang pagkain kahit kailan at hindi sila pakakainin kahit nasa handaan pa sila. Binalewala lang iyon ng mag-asawa na napilitang umuwi.

Pagdating ng bahay ay bigla na lang nagbago ang anyo ng dalawa. Naging maliliit silang kulisap na may mga pakpak.

Hindi na nakita pa ng mga kapitbahay ang mag-asawa. Sa halip ay dalawang insektong dapo nang dapo sa mga pagkain ang lumitaw. Kahit bawalan at paalisin ay dadapo pa rin ang mga ito sa pagkain basta nakalingat ang nagbabantay. Ang mga insektong iyon ay tinatawag na langaw.

Thursday, November 8, 2018

Alamat Ng Sibuyas

5:28:00 PM 6 Comments
Si Buyas ay anak ng manggagamot ng isang tribo na nakatira sa paanan ng bundok ng  
Sierra Madre. Maliit pang bata ay kapansin-pansin na ang pagiging sensitibo ni Buyas. Lalo siyang naging maramdamin nang isilang ang bunsong kapatid. Maganda ang kapatid kung ihahambing kay Buyas kaya agad napapansin ang kaibahan nila.

Palibhasa ay marami ang nagpapagamot sa ama, kadalasan ay maraming tao sa kanilang kubo. Hindi mai-alis na mapansin ang mag-kapatid dahil maliit lang ang kubo at doon mismo nanggagamot ang kanilang ama.

"Kayganda ng inyong bunso," madalas ay sinasabi ng mga nagpupunta roon.

"Maganda rin si Buyas," madalas ay maririnig ng kanyang ina. Ayaw na ayaw ni Buyas na maririnig ang ganyong usapan. Agad na siyang pupunta sa likod ng kubo at doon uubusin ang oras hanggang maubos ang kanyang mga luha.

Nang magdadalaga si Buyas ay umibig siya sa isang makisig na binata. Ang problema, ang bunso niyang kapatid ang gusto ng lalaki.

Masakit na masakit sa loob ni Buyas tuwing aakyat ng ligaw ang binata sa kapatid. Ang gagawin niya ay magtatago sa kanilang likod-bahay at doon i-iiyak ang bigat ng damdamin.

Alam ng kanyang ina ang nararamdaman ni Buyas ngunit wala itong magawa. Hindi nito mapanghihimasukan ang puso ng binata. Isa pa ay paano naman ang damdamin ng bunsong anak?

Ilang buwan pa ay isinama na ng binata ang mga magulang upang hingin ang kamay ng kapatid ni Buyas. Nais raw pakasal ng dalawa sa ikalawang pag-bilog ng buwan.

Labis na dinamdam ni Buyas ang kamatayan ng pag-ibig. Kinabukasan ay hindi na nakita si Buyas. Naglaho siyang tila bula. Sumapit at natapos ang araw ng kasal ng bunsong kapatid ay hindi na nakita si Buyas.

Isang umaga, habang nagwa-walis sa likod-bahay ang ina ay napansin nito ang isang halamang tumubo roon. Nang bunutin iyon ng babae para itanim sa mas maayos na lugar ay nakita ang bilog nitong mga bunga.

Natuklasan ng ina na maaaring ipanahog sa pagkain ang bunga. Pero higit sa lahat, natuklasan nitong nakapag-papaiyak ang bunga pag hinihiwa.

Naalala tuloy ng ina ang anak na si Buyas. Pinangalanan nitong buyas ang bungang iyon.
Ang buyas ay naging sibuyas makaraan ang maraming panahon.

Kuwento ni: Augie Rivera

Thursday, July 26, 2018

Alamat Ng Papaya

7:22:00 PM 0 Comments
Si Payang ay anak ng isang mayamang mag-asawa mula sa Laguna. Ipinagkasundo siya ng
ama't ina sa anak na binata ng pinakamayamang angkan sa kanilang lalawigan.

Lingid sa mga magulang ay may nobyo na ang dalaga. Ito si Pepe, isang magsasaka.

Nagpasyang magtanan sina Pepe at Payang upang hindi mag-kahiwalay. Ngunit natuklasan iyon ng ama ni Payang at ipinahabol sa mga tauhan ang dalawa.

Nang abutan sila ay ipinabugbog ng ama ni Payang si Pepe sa dalawang tauhan nito at iniwang duguan. Si Payang naman ay sapilitang iniuwi sa kanilang bahay at ikinulong sa sariling silid.

Isang matanda ang nakatagpo kay Pepe. Sa pag-aaruga nito ay unti-unting bumalik ang lakas ng binata.

Ngunit huli na. Nalaman ni Pepe na namantay si Payang sa lungkot at sama ng loob.

Nagluksa ang binata at halos araw gabing umiyak. Nang tuluyang gumaling si Pepe ay agad tinungo ang libingan ni Payang.

Sa libingan ni Payang ay may nakita si Pepe na halamang tumubo malapit sa puntod. Tila nababantay ang halaman sa ulilang puntod ng dalaga.

Inalagaan ni Pepe ang halaman hanggang mamulaklak at mamunga. Nang mahinog ang prutas nito ay kanyang tinikman. Nasarapan siya sa lasa nito. Naalala ni Pepe ang nobyang si Payang dahil sa punong iyon.

Ang bunga ng puno ay tinawag niyang Payang. Nang lumaon ay naging papaya ang tawag dito ng mga tao.


Sinulat ni: Rene O. Villanueva

Wednesday, July 4, 2018

Alamat Ng Kuwago

9:10:00 PM 11 Comments
Noong unang panahon ay may isang binata na tunay na mapag-mahal sa kalikasan. Ang
pangalan niya ay Tiyago. Nakatira si Tiyago sa paanan ng isang malawak na bundok.

Gawain na ni Tiyago ang bantayan ang bundok at kagubatan nito. Tinitiyak niya na walang sinumang manghuhuli ng mga hayop, mamumutol ng mga puno o maninira kaya ng mga halaman.

Isang araw ay napansin ni Tiyago ang kalapit na gubat. May itim na usok na nanggagaling sa isang bahagi noon na makaraan ang ilang saglit ay naging kulay pulang apoy.

"Nasusunog ang gubat!" bulalas niya na hindi malaman ang gagawin.

Dahil sa nangyari ay nangako sa sarili si Tiyago na hinding-hindi pababayaan ang bundok na binabantayan.

Araw at gabi ay hindi na natulog si Tiyago lalo pa at lumaganap ang balita na may isang grupo ng mga bandido na nanununog talaga ng gubat.

May mga kakilala si Tiyago na nagboluntaryong magbantay rin sa kanilang bundok at gubat pero maari lang magbantay ang mga ito tuwing umaga. Dahil mga pamilyado ay ibig ng mga ito na masamahan ang asawa't mga anak sa gabi.

Sa gayon ay nakagawian ni Tiyago ang matulog sa umaga at gising sa magdamag. Kahit nang magkasakit ay hindi siya napigil sa magbantay sa gabi. Aniya ay baka sa oras na ito umatake ang masasamang loob dahil alam na walang bantay.

Nang mamatay si Tiyago ay may humalili sa kanya sa pagbabantay ng gubat. Ito ay isang ibon na may malalaking mata at gising sa buong gabi. Bilang pag-aalala kay Tiyago ay tinawag nilang kuwago ang ibon na hanggang ngayon ay bantay ng gubat sa magdamag.

Tuesday, June 12, 2018

Alamat ng Mindanao

12:53:00 PM 0 Comments
Mayroon isang sultan sa isang pulo na kilala hindi lamang dahil siya ay isang dugong
bughaw, kundi dahil rin sa kanyang katangian.

Di lamang siya mayaman, si Sultan Gutang ay matapang, magandang lalaki at may matipunong pangangatawan. Mayroon siyang natatanging anak na may nakakaakit na kagandahan. Saan ka man maparoon, usap-usapan ang kagandahang niyang taglay. Prinsesa Minda ang ngalan niya.

Dahil sa tanyag na kagandahan ni Minda, maraming tagahanga ito saan dako ng karatig pook. Marami ang nanliligaw: mga mayayaman, matalino, at may dugo ring maharlika. Dahil nga sa dami ng masugid na tagahanga nito, walang tulak siyangkabigin. Kaya minarapat ni Sultan Gutang na magkaroon ng isang pagsubok upang malaman kung sino ang higit na mapalad at karapat-dapat sa kanyang anak na si Prinsesa Minda.

Nangyari nga ang ibig ng sultan. Marami ang sumubok sa layuning makuha ang kamay ni Minda. Halos lahat ng sumubok at nagwagi sa una at ikalawang pagsubok, ngunit nabigo sa ikatlo. Ngunit may isang prinsipe ang nagaasm-asam na sumubok sa mga patakaran ng nasabing sultan. Ngunit, bago siya sumali sa palahok, matinding pag-iisip ang kanyang ginugol.

Dahil sa una ay sigurado siyang magtatagumpay, ang ikalawa ay sigurado siyang mabibigo. Kaya’t muling nag-iisip . Napagpasyahan niyang humiram ng mga kaing-kaing na ang mga ginto mula sa kanyang mga kaibigang mayayaman at prinsipe upang makabuo ng labintatlong tiklis ng ginto. Dahil ang ikalawang pagsubok ay kung paano mahihigitan ang kayamanan ng sultan.

Lalong nabuhayan ng loob ang prinsipe sa mga pagkakataon na kapag nagkakatinginan sila ng prinsesa ay para na rin siyang humahanga sa kanya. Dahil di kaila ang kagandahang lalaki ng prinsipe at kakisigan. Nabatid ng prinsipe na may pagtingin din ang prinsesa.

Sinimulan sa ang unang pagsubok kay Prinsipe Lanao sa pagsasalaysay niya sa kanyang mga ninuno mula sa umpisa hanggang sa sampung henerasyon. Higit ang tuwa niya ng makapasa sa unang pagsubok sa dahilang hindi totoo ang ika-sampung henerasyon dahil ito ay may halong imbento lamang.

Agad sumunod ang ikalawang pagsubok. Tinanong ng sultan kung gaano karami ang kanyang dalang ginto. Agad siyang sumagot na labintatlong kaing. Walang duda ang tagumpay ni Prinsipe Lanao sa ikalawang pagsubok dahil may pito lamang tiklis nag into mayroon ang sultan.

Ang huling pagsubok ay agad din pinabatid sa Prinsipe kung ano ang dapat na sumunod niyang gagawin para ganap nang mapasakamay ang mayuming si Prinsesa Minda. Pagtulay sa lubid ang ikatlong pagsubok. Pagtulay sa lubid na kapag ikaw ay nahulog sa isang malalim na bangin ay sigurado ang iyong kamatayan .

Pinagpabukas pa ang huling pagsubok upang makapagpahinga ang binata. Subali’t lingid sa kaalaman ng binata na kaya pala ipinagpabukas pa ay upang mapaghandaan din ng Sultan ang gagawing patibong upang ang prinsipe ay hindi magtagumpay. Kaagad na lumisan si Prinsipe Lanao upang makapagpahinga at mapag-aralan ang kanyang plano para sa darating na pagsubok kinabukasan.

Subali’t si Prinsesa Minda ay may nabalitaan na may patibong na ilalagay ang mga tauhan ng sultan upang mahulog ang prinsipe. Agad na pinasiyasat ni Prinsesa Minda kung ano ang ilalagay na patibong. Napag-alaman ng katulong na kakabitan ng tali ang lubid na tatawiran ng pinsipe na siyang magiging dahilan ng pag-uga ng lubid na magiging dahilan ng pagkahulog ng prinsipe.

Dahil sa nabatid na patibong, kaagad na tinanggal ng mga katulong ang patibong upang walang maging balakid sa pagtawid ng butihing prinsipe. Pagdating kinaumagahan ay naganap ang pagsubok na siya namang pinagtagumpayan ng Prinsipe. Walang nagawa ang Sultan kundi tuparin ang pangakong kasalan.

Nang mamana ng Prinsipe, ang pamamahala ng lugar, marami ang nasiyahan sa pamamalakad ng mag-asawa sa pulo at mula noon pinangalanan ang isla ng Mindanao na hango sa pangalang Minda at Lanao.

Friday, June 30, 2017

Alamat Ng Pinya

1:27:00 PM 6 Comments
Si Aling Rosa ay isang balo. Siya ay may sampung taong gulang na anak na babae, si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang anak. Nais niyang lumaking bihasa sa gawaing bahay ang anak. Tinuturuan niya si Pinang sa mga gawaing-bahay.

Dahil sa nag-iisang anak, ayaw gumawa si Pinang lagi niyang ikinakatwiran na alam na niyang gawin ang anumang itinuturo ng kanyang ina. Pinabayaan lang siya ng kanyang ina.

Isang araw ay nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng gawaing bahay. Napilitan si Pinang na gumawa ng gawaing-bahay. Inutusan siya ng ina niya na magluto siya ng lugaw. Kumuha si Pinang ng ilang dakot na bigas, inilagay sa palayok at hinaluan ng tubig. Isinalang niya ito sa ibabaw ng apoy. Iniwan niya ang niluluto at naglaro na. Dahil sa kapabayaan, ang ilalim ng bahagi ng lugaw ay namuo at dumikit sa palayok. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa. Kahit papaano nga naman ay napagsilbihan siya ni Pinang.

Nanatili sa higaan ang matandang babae ng ilang araw. Si Pinang ang napilitang gumawa ng mga
gawaing-bahay. Isang araw, sa paghahanda ng pagluluto, hindi makita ni Pinang ang sandok. Lumapit siya sa ina at nagtanong. Nagalit na ang ina sa katatanong ni Pinang.

"Naku, Pinang sana'y magkaroon ka ng maraming mata upang lahat ng bagay ay makita mo at hindi ka tanong nang tanong!"

Dahil galit ang ina, hindi na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok. Kinagabihan, nabahala si Aling Rosa nang hindi pa bumalik ang anak. Nagpilit siyang bumangong upang kumain. Tinawag niya ang anak nguni't walang lumalapit sa kanya.

Isang umaga, nagwawalis ng bakurang si Aling Rosa nang may makita siyang isang uri ng halaman na tumubo sa silong ng kanilang bahay. Hindi niya alam kung anong uri ng halaman iyon. Binunot niya at itinanim sa kanyang halamanan. Lumaki ang naturang halaman at di nagtagal ay namunga ito. Nagulat si Aling Rosa sa anyo ng bunga. Ito ay hugis ulo ng tao na napapalibutan ng mata.

Biglang naalala ni Aling Rosa ang huling sinabi niya sa nawawalang anak na magkaroon sana siya ng maraming mata upang makita ang kanyang hinanap. Tahimik na nanangis si Aling Rosa. Noon niya napagtanto na tumalab kay Pinang ang kanyang sinabi. Gayunpaman, inalagaang mabuti ni Aling Rosa ang halaman at tinawag niya itong Pinang bilang pag-alaala sa kanyang anak. Nang maglaon ang bunga ito ay tinawag na Pinya.