Showing posts with label sampaguita. Show all posts
Showing posts with label sampaguita. Show all posts

Thursday, August 1, 2019

Alamat ng Alitaptap

2:17:00 PM 0 Comments

Unang Bersyon:

Noong unang panahon, ang mga alitaptap ay maliliit na kulisap lamang. Ang mga kulisap na iyon ay walang dala-dalang apoy. Nguni’t ito ring mga kulisap na ito ang tinatawag natin ngayong ALITAPTAP. Bakit kaya sila ngayon ay may dal-dalang apoy na kikisap-kisap?

Gaya rin ng mga alitaptap ngayon, ang mga kulisap noong unang panahon ay gabi lamang kung lumipad. Naguni’t ayaw na ayaw nila ng mga gabing madilim. Ang ibig nila ay mga gabing maliwanag ang buwan. Kapag madilim ang gabi ay nagtatago sila sa mga damo. Nagtatago sila sa mga dahon at sa mga bulaklak. Sila ay takut na takot. Bakit kaya?

Isang gabing madilim, walang malamang pagtaguan ang mga kulisap na iyon. Nakakita sila ng isang punong sampaguita. Ang ilan sa kanila ay nagkubli sa nga bukong bulaklak nito. Mayroon namang nagkubli sa mga talulot.

“Bakit ba?” ang tanong ng sampaguita. “Bakit ba kayo nagtatago? Bakit ba kayo takot na takot?
Kayo ba ay natatakot sa dilim?”

“Hindi kami sa dilim natatakot,” ang sagot ng isang kulisap.

“At saan?” ang tanong ng sampaguita.

“Sa mga kabag-kabag,” ang sagot ng maraming kulisap.

“Bakit kayo natatakot sa mga kabag-kabag?” ang tanong ng sampaguita. “Inaano b akayo ng mga kabag-kabag?”

“Kami’y kinakain nila,” ang sabi ng mga kulisap. “Kapag kami ay nakita nila ay hinuhuli kami at iyon na ang katapusan ng aming buhay.”

“Masama naman ang ginagawa sa inyo ng mga kabag-kabag,” ang wika ng sampaguita.
“Biruin mo, kay rami ng mga kabag-kabag,” ang sabi ng isang kulisap. “Kaya kami ay pakaunti nang pakaunti.”

“Mauubos nga kayo kung ganyan, kaawaawa naman kayo" ang wika ng sampaguita.

“Hindi nga namin malaman kung ano ang aming gagawin,” Ang wika ng mga kulisap.

“Eh, bakit kung maliwanag ang gabi ay hindi kayo nagkukubli sa aking puno?” ang tanong ng sampaguita.

“Kung maliwanag ang buwan ay mahirap kaming mahuli ng mga kabag-kabag,” ang sagot ng isang kulisap.

 “Hindi makakita sa liwanag ang mga kabag-kabag,” ang dugtong ng isang kulisap.

“Sila ay nasisilaw sa liwanag,” ang dugtong pang uli ng isang kulisap.

“Ganoon pala. Hindi pala makakita sa liwanag, tuturuan ko kayo kung ano dapat ninyong gawin.” ang sabi ng sampaguita. “

“Ano ba? Ano ba ang dapat naming gawin?” ang tanong ng bawa’t kulisap.

“Bawa’t isa sa inyo ay magdala ng apoy, “Pagkatapos ay magsabay-sabay kayong lumabas. Matatakot sila sa inyo. Hindi nila kayo malalapitan” ang sabi ng sampaguita.

“Oo nga, siya nga!” ang sabay-sabay na sabi ng ilang kulisap.

Ganoon na nga ang ginawa ng mga kulisap. Isang gabing madilim, ang bawa’t isa sa kanila ay nagdala ng apoy, pagkatapos ay nagsabay-sabay silang lumabas. Naku! Para silang alipatong lumilipad. Hindi nga naman sila malapitan ng mga kabag-kabag.

Anong tuwa ng mga kulisap. Lumipad sila nang paikut-ikot sa punong sampaguita.

“Salamat sa iyo, Sampaguita. Kami ngayon ay malaya na.”

Mula na noon tuwing lalabas ang mga kulisap pag madilim ang gabi nagdadala sila ng apoy. Ang mga kulisap na iyon din ang tinatawag ngayong “ALITAPTAP.”

Pangalawang Bersyon:

Ilang libong taon na ang nakakaraan nang magkaroon ng matinding tagtuyot sa mundo. Ang mga pananim ay nanuyot at nasira at pati na rin ang mga alagang hayop ay nagkasakit at namatay. Walang ulan at ang mga ilog ay natuyo na rin dahil sa init ng sikat ng araw.

Taimtim na nagdasal ang mga tao upang magkaroon ng ulan. Sumayaw-sayaw sila at nag-alay ng kung anu-anong sakripisyo ngunit walang ulang bumagsak maski ulap ay walang nabuo. Mas lalo pa ngang tumindi ang sikat ng araw.

Nawawalan na ng pag-asa ang mga taombayan nang dumating ang isang mahiwagang mag-asawa, si Bul-an at si Bitu-in. Ayon sa mag-asawa, narinig ni Bathala ang kanilang mga panalangin at ipinadala sila upang tulungan ang mga taombayan. Di nga naglaon ay dahan-dahan pumatak ang ulan at hindi ito tumigil hanggang sa napawi ang pinsalang dulot ng tagtuyot.

Naging mas masagana ang mga pananim at ang mga alagang hayop ay naging mas malulusog. Dahil dito, itinakda ng mga taombayan ang mag-asawa na kanilang mga pinuno. Pinaunlakan naman ni Bul-an at Bitu-in ang nais ng taombayan. Naging mabuti silang mga pinuno at umasenso ang nasabing bayan.

Mayroong anak ang mag-asawa, ito ay si Alitaptap. May malaking bituin na naka-ukit sa noo ni Alitaptap; ito ay nagpapatunay na siya ay di pangkaraniwang nilalang. Marami ang nagnais na makuha ang kamay ng dalaga upang mapangasawa. Maging ang kanyang ama ay pinipilit si Alitaptap na pumili na ng mapapangasawa upang sa ganoon ay magkaroon sila ng mga anak na magiging makikisig mandirigma. Ngunit matigas ang puso ng dalaga at ayaw nitong magpakasal sa kahit sino. Wala raw itong nararamdaman na kahit ano. Marahil ito ay dahil nga sa hindi tao ang dalaga.

Isang araw, isang manghuhula ang nagsabi kay Bul-an na masasakop ang kanilang bayan sa hinaharap kung hindi makakapangasawa si Alitaptap at hindi magkaka-anak ng lalaki. Ipinatawag ni Bul-an ang anak at pinagsabihang kinakailangan na nitong magpakasal sa lalong madaling panahon. Ngunit si Alitaptap ay walang nararamdamang maski anong emosyon kung kaya’t ayaw pa rin nitong magpakasal.

Nagalit ang kanyang ama ngunit maski anong gawin nitong pilit ay wala pa ring imik si Alitaptap. Napuno ang galit ni Bul-an. Kinuha niya ang kanyang tabak at hindi nakapagpigil ay hinampas niya ang kanyang anak. Tumama ang tabak sa malaking bituin sa noo ng dalaga at nabasag ito sa libu-libong piraso. Samantala, wala ng buhay ng bumagsak ang dalaga sa sahig. Ang mga munting makinang na piraso ng bituin sa noo ni Alitaptap ay unti-unting nagkaroon ng buhay; lumipad at nilisan ng mga ito ang palasyo. Ang mga ito ay ang tinatawag natin ngayon na mga Alitaptap.

Nagkatotoo ang naging hula at dahil sa walang mandirigma ang naipanganak mula kay Alitaptap ay nasakop ang kanilang bayan at natapos ang pamumuno ni Bul-an at Bitu-in.

Saturday, June 29, 2019

Alamat ng Sampaguita

3:04:00 PM 7 Comments
Sa isang malayong bayan sa Norte ay may isang napakagandang dalaga na Liwayway ang pangalan.

Ang kagandahan ni Liwayway ay nakarating hanggang sa malalayong bayan. Hindi naging kataka-taka kung bakit napakarami ng kanyang naging mga manliligaw.

Mula sa hilaga ay isang grupo ng mga mangangaso ang nagawi sa lugar nina Liwayway. Sa kasamaang palad, si Tanggol, isa sa mga ito ay inatake ng baboy-ramo. Ang binata ay dinala sa ama ni Liwayway para mabigyan ng pangunang lunas. Iyon ang naging daan ng paglakalapit nila.

Umibig sina Liwayway at Tanggol sa isa’t-isa sa maikling panahon ng pagkikilala.

Nang gumaling si Tanggol ito ay nagpaalam kay Liwayway at sa mga magulang niya. Anang binata ay susunduin ang ama’t ina upang pormal na hingin ang kamay ng dalaga.

Puno ng pangarap si Liwayway nang ihatid ng tanaw si Tanggol.

Subalit dagling naglaho ang pag-asa ni Liwayway na babalik si Tanggol tulad ng pangako. Ilang pagsikat na ng buwan mula nang umalis ito ngunit ni balita ay wala siyang natanggap.

Isang dating manliligaw ang nakaisip siraan si Tanggol. Ikinalat nito ang balita na hindi na babalik si Tanggol dahil may asawa na ito.

Tinalo ng lungkot, pangungulila, sama ng loob at panibugho ang puso ni Liwayway. Nagkasakit siya. Palibhasa ay sarili lang ang makagagamot sa karamdaman kung kaya ilang linggo lang ay naglubha ang dalaga at namatay.

Bago namatay ay wala siyang nausal kundi ang mga salitang,

“Isinusumpa kita! Sumpa kita…”

Ang mga salitang “Isinusumpa kita! Sumpa kita…” ang tanging naiwan ni Lwayway kay Tanggol.

Ilang araw makaraang mailibing si Liwayway ay dumating si Tanggol kasama ang mga magulang. Anito ay hindi agad nakabalik dahil nagkasakit ang ina. Hindi matanggap ng binata na wala na ang babaing pinakamamahal.

Sa sobrang paghihinagpis, araw-araw ay halos madilig ng luha ni Tanggol ang puntod ni Liwayway. Hindi na rin siya bumalik sa sariling bayan upang mabantayan ang puntod ng kasintahan.

Isang araw ay may napansin si Tanggol sa ibabaw ng puntod ni Liwayway. May tumubong halaman doon, halaman na patuloy na dinilig ng kanyang mga luha. Nang mamulaklak ang halaman ay may samyo iyon na ubod ng bango. Tinawag iyong ‘sumpa kita’, ang mga huling salitang binigkas ni Liwayway bago namatay. Ang ‘sumpa kita’ ay ang pinagmulan ng salitang ‘sampaguita’.


Kwento ni: Segundo D. Matias Jr.